SA GILID ng Tagaytay (Batulao, Batangas) ay may kakaibang kapilya. Tinagurian ng Salesian priests of Don Bosco na Chapel on the Hill (Kapilya sa Burol), bilog ito, kaya may 360-degree view sa mga bintana. Sa sahig ay nakaguhit ang Labyrinth: daanan ng deboto sa pagdadasal. Magsisimula siya sa labas ng sirkulo; at habang nagme-meditate ay tatahakin niya ang paikut-ikot na landas tungo sa gitna, ang kaganapan. Ang paniniwala, sa gitna nagkakaisa ang deboto at ang Diyos.
Dinisenyo raw ang Labyrinth nu’ng sinaunang panahon para sa mga sumasali sa mga Krusada sa Holy Land. Dahil nasa giyera sila, hindi sila makapag-Bisita Iglesia sa Roma. Pamalit sa taunang ritwal ang pagtahak nila sa Labyrinth.
Noon pa mang unang siglo ng Kristiyanismo isinasagawa na ang Bisita Iglesia. Nagmimisa ang Pope sa plaza at, nang ito’y maitayo, sa St. Peter’s Basilica sa Vatican. Bilang paggunita sa Last Supper ni Hesukristo nu’ng unang Maundy Thursday, hinuhugasan ng Papa ang paa ng 12 “Apostoles”. Pagkatapos ng Komunyon at Misa, binabalot ng itim na tela ang mga imahe bilang pagluluksa.
Umiikot ang mga Kristiyano sa pito pang ibang basi-lica sa Roma para mag-vigil, o abangan ang pagsapit ng Biyernes Santo, araw ng pagkamatay ni Hesus. At du’n magsisimula ang paggunita sa Triduum – ang Pasyon, Kamatayan at Resurrection ni Hesus. Ito’y sa tatlong araw ng Biyernes Santo, Sabado de Gloria, at Linggo (Pasko) ng Muling Pagkabuhay.
Hindi nagdaraos ng kasalan ang mga Kristiyano sa panahon ng Lent, at lalo na sa Semana Santa. Ang Easter o Pasko ng Pagkabuhay ang pinaka-malaking pista ng Simbahan.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com