Ngayon ay tapos na masayang graduation
ng mga nag-aral ng kanilang leksiyon;
Kaya tapos na rin ang pasanin ngayon
ng mga magulang na ang dusa’y sunong!
May mga nagtapos ngayo’y maligaya
sapagka’t ang hirap kanilang nakaya;
Nagsunog ng kilay aklat ay binasa
ang lahat ng exams nalampasan nila!
Ilan sa kanila’y umakyat ng stage
at may karangalang sa dibdib nasabit;
Tuwa ng magulang ay abot sa langit –
pagka’t mga anak may honor nag-graduate!
Sila’y kabataang hindi nag-aksaya
at buong panahon na nagsikap sila;
Lahat nang kinuhang asignatura
mataas ang gradong kanilang nakuha!
Kaya sila ngayo’y dangal ng magulang
kabataan silang pag-asa ng bayan;
Kung sila’y palaging ginto ang isipan
sasapitin nila ay magandang buhay!
Sinabi ni Rizal “Ako’y umaasa
nasa kabataan pag-asa ng bansa”;
Winika n’yang ito sana’y totoo nga
upang tayong lahat maging maligaya!
Subalit papa’no kung ang kabataan
walang malasakit sa sariling bayan?
Paano kung sila’y nagtamad sa buhay
sa panahong sila’y nasa paaralan?
Paano kung sila ay naging pabaya
at sarili lamang ang kinakalinga?
Paano kung ang lagi nilang ninanasa
sila’y makilala sa masamang gawa?
Paano kung sila’y walang inatupag
kundi magliwaliw sa buhay masarap?
Paano kung sila’y sa lansanga’y kalat
magulang at bansa’y hindi nililingap?