NGAYON ay Palm Sunday (Palaspas) ang simula ng Semana Santa sa ating mga Kristiyano na sumasariwa sa pagpapakasakit ni Panginoong Hesus sa pagsagip sa atin sa kasamaan. Sa pagbabalik-loob sa Kanya ay binibigyan tayo ng kapatawaran sa mga nagawang kasalanan.
Ang Semana Santa ang pinakadakilang araw sa buong sanka-Kristianuhan upang magbalik-loob sa Panginoon. Ito rin ang isang linggo ng lubusang pagninilay sa ating kahinaan sa bagay maka-lupa. Ito ang kabuuan ng 40 araw na paghahanda sa darating na Muling Pagkabuhay ni Hesus na ating Panginoon. Kaya sa buong daigdig ay nagkakaisa tayong mga Kristiyano na magsisi at mag-alay Kapwa bilang simbolo ng pagbabayad-puri natin sa Panginoon.
Ang Palm Sunday ay sumisimbolo ng ating taus-pusong pagtanggap kay Hesus bilang ating Panginoon at tagapagligtas. Katulad tayo ng mga tao sa Jerusalem na sama-samang nagpuri sa Diyos at pasalamat sa pagdating ni Hesus. Osana, Osana sa Anak ni David at magpuri tayo sa Panginoon. Katulad sa mga Hudyo na nagpuri kay Hesus subalit nang dumating na ang Kanyang mga kaaway ay nabaliktad ang kanilang paniniwala sa kabutihan at mga himala ni Hesus. Tumaliwas sila kapagdaka at nagsimulang nakianib sa mga kaaway ni Hesus, kaya’t ang kanilang sigawang Osana, Osana at napalitan kapagdaka ng Ipako, Ipako Siya sa Krus.
Nasaan kaya tayo mga kapatid ngayong Holy Week? Ano ba ang iyong gagawin ngayong bakasyon sa mga opisina at paaralan sa buong bansa? Nasaan ka kapatid ngayong unang linggo ng Abril? Ikaw ba ay mapayapa sa ika 8 at 9 ngayong buwang ito? O baka naman ikaw ay pagod na pagod sa mga kasayahan na naganap sa halos isang linggong bakasyon sa mga beach, resort at mga bahay bakasyunan.
Pumasok ka ba kapatid sa iyong simbahan? Ang puso’t diwa mo ang may tanging kasagutan!
Is 50:4-7; Salmo 22; Filipos 2:6-11 at Marcos 14:1-15, 47