ISANG linggo ang nakalipas matapos ma-relieve sa posisyon ang mga pulis sa Anti-Drugs Unit ng Eastwood Police kasama ang hepe ng istasyon, isa na namang kaso ng hulidap ang nakaabot sa BITAG.
Marso 7, nasangkot ang mga tiwaling operatiba ng Drug Enforcement Unit ng Southern Police District sa Fort Bonifacio. Ang biktima, asawa ng preso sa Muntinlupa City jail.
Pareho ang nangyari kay Tess sa nangyari kay Ana, ang buntis na maybahay na biktima ng Eastwood Police Station. Ayon sa maybahay na si Tess, paglabas niya ng New Bilibid Prison, pagkasakay ng jeep pauwi sa kanilang bahay ay sinabayan na siya ng mga operatiba ng DEU ng SPD hanggang Alabang, Muntinlupa.
Dito na siya kinaladkad at estilong dinukot ng mga operatiba at dinala sa kanilang headquarters sa Taguig. Subject daw siya ng drug operation ng mga pulis noong oras na iyon. Nakuha pa ng mga bastardo na kausapin ang asawa ng biktima na kasalukuyang nakakulong sa New Bilibid Prison, saka hiningian ng P300,000 ang misis kapalit ng kanyang kalayaan.
Ang nakakatawang eksena, nagawang matakasan ng ginang ang mga bopol na pulis ng DEU-SPD sa loob mismo ng kampo. Tumalon ang biktima sa bintana.
Kaya naman napadpad si Tess sa BITAG headquarters sa tulong ng kanyang pinsan.
Subalit sadyang garapal sa pera ang mga nanghulidap na operatiba dahil kahit natakasan na sila, patuloy pa rin ang pakikipagnegosasyon ng mga ito sa pinsan ng ginang. Lingid sa kaalaman ng mga tinamaan ng lintek, nasa tanggapan na ng BITAG ng mga oras na iyon ang ginang na biktima at ang kanyang pinsan.
Dokumentado na ng BITAG ang pakikipag-usap ng isa sa mga suspek si SPO1 Roberto Manlangit.
Abangan mamayang gabi sa BITAG ang buong detalye ng pagkahulog sa BITAG ng mga pulis ng DEU-SPD at ng mismong hepe ng kanilang District Investigation sa kasong ito.
Mapapanood ang BITAG ng buong isang oras, alas-otso kinse ng gabi sa Aksiyon TV 41; mapapanood din pagsapit ng alas-dose ng hatinggabi sa TV5 pagkatapos ng Pilipinas News.