'Tips laban sa bogus na job recruitment e-mail'

BABALA ng Philippine Overseas Employment Agency o POEA, mag-dalawang isip bago sagutin ang mga job recruitment e-mail mula sa umano’y mga international company.

Sa BITAG, maka-sampung beses na aralin ang mga alok bago ito kagatin. Kapag padalus-dalos dahil sa sobrang excitement, baka agad ka ring mahulog sa kanilang patibong.

Para huwag mabiktima tandaan ang ilang tips na ito: Una, tingnan ang e-mail address ng sender.

Kung local o international company ito, dapat konektado ang e-mail nito sa kanilang website.

Karaniwan sa mga international company, nakalagay ang abbreviation sa dulo ng e-mail address kung saang bansa sila naka-base (hal.Fraser Health.ca – sa bansang Canada).

Ikalawa, magsagawa ng simpleng imbestigasyon. Hanapin ang mismong website ng kumpanya gamit ang internet.

I-check kung talagang may hiring na nasabing posisyon tulad ng nakasaad sa kanilang e-mail sa iyo.

Kung dito lamang sa Pinas madaling tawagan ang numero ng kumpanya, ngunit kung sa ibang bansa ito, makipag-ugnayan sa POEA. Maaaring iforward ang nasabing e-mail sa info@poea.gov.ph upang maberipika ito.

Ikatlo, walang dapat bayaran ang mga aplikante. Magduda na lalo’t sa mga remittances center at personal na pangalan ng tao ipapadala ang kung anu-anong fees na kanilang hinihingi.

Ikaapat, mag-ingat sa pagpasok at pag-post ng inyong mga resume na may mga personal information sa mga job website.

Hindi lamang ito babad sa paningin ng mga prospec­tive employers kundi magagamit rin ito ng mga scammers para kayo’y biktimahin.

Ang manloloko, may malikhaing pag-iisip. Kailangan lamang ng pagkakataon at oportunidad para makadagit ng bibiktimahin.

Kaya’t kapag hindi na­ging listo, imbes trabaho ay sakit ng ulo ang mapapala mo. Mag-ingat, mag-ingat!

Show comments