AYAN na naman. Isang imbestigasyon na naman pagkatapos ng isang trahedya. Inutusan ni DILG Sec. Jesse Robredo ang Bureau of Fire Protection(BFP) na imbestigahan ang naganap na sunog sa Ever Gotesco Grand Central Mall sa Caloocan noong Biyernes ng gabi, na higit 30 oras tumagal bago nakontrol. Hanggang isinusulat ito, pinapatay pa rin ng mga bumbero ang mga maliliit na sunog.
Gustong malaman ng DILG kung sinadyang sunugin ang mall o hindi, at kung bakit may mga ulat na pinagbawalan ng mga guwardiya ang mga bumbero na makapasok sa mall. May ulat pa na lasing umano yung fire marshall at kulang ang mga kagamitan ng mga bumbero para patayin ang ganitong kalaking sunog. Lahat na ng klaseng problema, lumalabas na magmula nang masunog ito.
At sunud-sunod nga ang sunog sa siyudad! Tila pang-iinsulto sa Fire Prevention Month na laging ginaganap sa Marso. Isa na namang halimbawa ng ating hindi pagiging handa para sa kalamidad, sa trahedya. Napakaraming mga ahensiya o kagawaran na may kinauukulan sa kaligtasan ang kulang na kulang sa kagamitan para magampanan nila ang kani-kanilang mga tungkulin. Lagi na lang ganyan ang naririnig natin kapag may aksidente, may trahedya, may kalamidad. Kulang ang kagamitan, o masama, kulang ang tao dahil sa iba’t ibang dahilan.
Ang pagiging handa sa lahat ng klaseng trahedya o kalamidad ay sukat din kung gaano kaayos ang pamamalakad ng gobyerno. Kung matindi ang katiwalian sa mga ahensiyang ito, wala talagang mangyayari hinggil sa magandang pagsasanay at maayos na kagamitan para harapin ang mga trahedya. Mawawalan ng tiwala ang mamamayan sa abilidad ng mga tagapagligtas natin. Kung mawala na nga, sino na ang aasahan natin kapag nangyari na sa atin ang mga trahedya?
Pero alamin din kung sinadya nga ang sunog sa Caloocan o hindi, at kung lasing nga yung fire marshall. Malalaking bagay ito dahil kung totoo, nilagay din nila sa panganib ang mga ibang bumbero at mamamayan. Dapat lang humarap sa hustisya, kung sakali.