SA pagpapatuloy ng mga payo mula kay Suze Orman, isang financial advisor na kilala sa buong mundo, pinag-usapan niya ang pagturo ng mga bagay-bagay ukol sa pera sa mga anak, kahit mga bata pa. Wala raw masama kung ituro na sa bata na kailangan tinatrabaho ang pera, at hindi lang hinihingi lamang kung kani-kanino, tulad ng magulang, tiyo, tiya, lolo at lola. Kailangan maaga pa lang ay alam na ng bata ang halaga ng pera, na hindi ito tumutubo sa mga puno at pinipitas lang. Pinaghihirapan, tulad ng lahat ng bagay. Mas mahalaga pa nga ang mga leksyon na ito para sa mga mayayaman na pamilya.
Mga maliliit na bagay tulad ng pagbibigay ng gantimpala kapag inayos ang kama, naglinis ng silid at paligid, ginawa sa tamang oras ang mga homework, naglinis na sasakyan o garahe at marami pang iba. Maaga pa lang ay alam na kapag kumilos at nagtrabaho, magagantimpalaan nang maayos. Marami kasi, lalo na yung mga alam na mayaman at tila naghihintay na lang ng grasya mula sa mga magulang o kung kanino man, ay hindi na talaga kumikilos at naglalaro na lang! Kapag biglang naubos na ang banga, hindi na alam ang gagawin sa buhay, dahil wala ngang alam gawin sa buhay!
Likas sa kaugalian natin ang magtrabaho nang husto para mabigyan ng magaganda at maginhawang buhay ang ating mga anak o mahal sa buhay. Pero kung minsan ay dahil sa ganyang kaugalian, mas sinasaktan mo ang mga tinutulungan mo. Ayon kay Suze Orman, napansin daw niya ito sa kultura ng Pilipino kung saan tila lahat ng mga magulang ay nagmamadaling ma-bigyan ng bahay ang kanilang mga anak, kaya tuloy, parang hindi na kailangang itrabaho ng mga anak ang kanilang mga tahanan. May mga katangian ang kulturang Pilipino na nakikita ni Orman na bagama’t hindi namang lubusang mali, dahil kultura nga, dapat lang baguhin ng bahagya. Sa kultura nga natin, medyo mahirap ang hindi tumulong sa mga nangangailangan din naman ng tulong. Sa Amerika siguro, kapag hindi ka nagtrabaho, hindi ka makakakain. Pero may punto ang mga sinasabi ni Orman. At ang patunay nito ay kapag ang Pilipino ang nilagay mo sa kultura ng Amerika, nagtatrabaho nang husto at umaasenso! Pero kapag nandito, walang ginagawa. Kaya mahirap ding kontrahin ang mga sinasabi ni Orman, dahil may ebidensiya na magbibigay patotoo sa kanyang mga payo. Bigyan lang ng panahon ang kanyang mga payo at abiso, at baka naman makatulong din sa mga buhay natin.