FAT FILLERS ang isa sa pinakabagong paraan ng pagpapaganda sa panahon ngayon. Ito ‘yung pagtuturok ng kemikal o taba sa parte ng mukha na nais mong pagandahin.
Sinasabi na simple lang ang proseso nito, subalit, may kaakibat itong komplikasyon na maaring mauwi sa impeksyon kapag sumailalim sa maling procedure ang isang pasyente.
Tanging mga lehitimong dermatologist, plastic at cosmetic surgeon ang gagawa nito. May mga prosesong sinusunod ang mga eksperto bago at pagkatapos isailalim ang pasyente sa fat fillers.
Kadalasan, nagkakahalaga mula P10,000 hanggang P20,000 ang pagpapagawa nito. Depende pa sa parte ng mukha na ipaaayos.
Kuwidaw, dahil oportunidad ito sa mga bogus na doktor upang magsagawa ng ganitong procedure sa mas murang halaga. At kapag isa ka sa naging biktima nila, sa halip na gumanda, masahol ang iyong magiging hitsura.
Ang beinte kuwatro anyos na biktimang mula pa sa Dagupan City na lumapit sa BITAG, iba ang kanyang naging kaso. Ang kanyang palpak na fat fillers sa pisngi ay buhat sa kamay mismo ng isang lehitimong cosmetic surgeon sa Tarlac City.
Dahil bago lamang ang fat fillers, siya raw ang kauna-unahang pasyente ng inirereklamong doktor na sumailalim sa prosesong ito, noong mga panahong iyon.
Ang naging resulta, imbes magkalaman ang kanyang laylay na pisngi, napuno ito ng nana at sugat, lumobo ang mukha ng biktima na halos hindi na ito makapagsalita.
Ibinalik niya ang palpak na resulta sa doktor, nangako itong aayusing muli ang kanyang mukha. Subalit nang tumawag ito sa biktima at binabawi na ang kanyang ipinangako, lumapit na ito sa BITAG upang humingi ng tulong.
Sa inisyal na pagsusuri ng bihasang plastic surgeon na si Dr. Jim Sanchez, impeksiyon ang naging resulta sa mukha ng biktima.
Ilan sa mga nakita niya ay ang aspetong sterilization, dapat malinis ang mga gamit at lugar kung saan isasagawa ang operasyon; at vascularization o pagtuturok ng maraming taba na di na kayang tanggapin ng mukha ng pasyente.
Ang doktor na inirereklamo, sinadya pa namin sa Tarlac City, tumanggi itong humarap sa camera ng BITAG. Maging sa kaniyang cell phone ay tinawagan namin ito subalit ayaw nitong magbigay ng pahayag.
Ayon sa Philippine Medical Association, maaaring makansela ang lisensiya ng inirereklamong cosmetic surgeon kapag napatunayang nagpabaya ito sa kanyang propesyon.
Sa kasalukuyan, unti-unti na ang paggaling ng biktima sa tulong ni Dr. Sanchez. Pormal ng magsasampa ito ng kaso laban sa doktor sa PMA.
Mag-iwan sanang babala ang kolum na ito lalo na sa mga kababaihan. Marami pang biktimang nananahimik na lamang, huwag lang malagay sa kahihiyan.
Kaya’t mag-isip, maghanda at maging maingat sa inyong mga desisyon sa pagpapaganda.