MARAMI nang bayan at lungsod ang nagbabawal sa kani-kanilang mamamayan na huwag gumamit ng plastic bags, cups, supot at iba pang gamit na plastic. Ang sinumang establisimento na mahuling gumagamit ng plastic na supot o bag ay pagmumultahin sa unang paglabag at sa ikalawang paglabag ay babawiin ang lisensiya. Ang Muntinlupa ang unang lungsod na nagbawal sa paggamit ng plastic. Nadiskubre ng Muntinlupa na ang mga ginamit na plastic ang nagpapabara sa mga daluyan ng tubig at nagiging dahilan ng baha. Hindi natutunaw ang mga plastic kaya naman walang katapusan ang problema sa baha.
Ang sinimulan ng Muntinlupa ay kumalat at ginaya ng iba pang bayan at lungsod. Bawal na rin sa Marikina at Makati ang plastic. Maging sa maraming bayan sa Laguna ay pinagbabawal na ang plastic. Papel na supot ang pinagagamit sa mga establisimento at mahigpit na pinatutupad. Namulat ang mga opisyal ng lugar na masama ang idinudulot ng paggamit ng plastic sapagkat sumisira sa kapaligiran.
Ebidensiya na ang mga plastic ang nagpapabara sa daluyan ng tubig at nagdudulot ng baha ay nang manalasa ang bagyong “Ondoy” kung saan, mara-ming basurang plastic ang tinangay ng baha sa mga bahay sa Provident Village sa Marikina. Sari-saring plastic na supot ang nakita sa loob ng bahay.
Kapag masama ang panahon, isinusuka ng Manila Bay ang sandamukal na basurang plastic. Ang mga itinapong plastic ay muling ibinalik at nagdulot pa ng problema dahil sa paglubha ng baha.
Ngayong marami nang namumulat sa masamang dulot ng plastic, may mga tumutuligsa naman na hindi raw dapat isisi sa plastic ang dahilan ng pagbaha. Mas makakatipid daw kung plastic kaysa papel ang gagamitin. Marami raw kahoy ang puputulin para makagawa ng papel samantang walang kahoy na sangkot sa plastic. Dapat daw pag-aralang mabuti ang sitwasyon bago tuluyang ipagbawal ang plastic.
Hindi na dapat batikusin ang pagbabawal sa paggamit ng plastic. Lahat ay apektado kapag plastic ang ginamit sapagkat sumisira sa kalikasan. Maraming bumabatikos sapagkat ayaw nilang mahinto ang paggamit ng plastic kung saan limpak ang kanilang kinikita.