ISANG pulis lang daw ang nagbabantay sa bawat 800 Pilipino. Tila ito ang ginagamit na depensa ng PNP ngayon para ipakita sa mamamayan na talagang hindi nila mababantayan lahat ng tao, lahat ng oras. Ibig bang sabihin, kapag may naganap na krimen, ay dahil hindi lang talaga nila kayang bantayan lahat at patuparin ang batas, kaya pasensya na lang? Giit din ng PNP na mas bumaba na raw ang kabuuang bilang ng krimen ngayon, kumpara sa mga ibang taon. At mukhang marami lang dahil maraming mga high profile na kaso ang nalalagay sa balita. May pahabol pa na sa Calabarzon ang lugar kung saan talagang dehado sa bilang ang mga pulis.
Ewan ko, pero parang pangangatwiran, paghuhugas ng kamay, pagkibit-balikat na lang ang ginagawa ng PNP para ipaliwanag ang mga sunud-sunod na balita ng krimen sa bansa ngayon! Ano ngayon sa iyo ang datos na mas mababa ang krimen ngayon kapag naging biktima ka na, o naging biktima ang mahal mo sa buhay? Walang saysay ang lahat ng datos na iyan kapag ikaw na ang nasama sa datos! At hindi pa nila nilalabas yung datos kung ilang porsyento ng kapulisan ng bansa ay sangkot sa kriminalidad! Kapag sinama na iyan, dodoble o titriple na dapat ang bilang, dahil mga pulis na mismo ang sangkot sa krimen! Yung mga dapat nagpapatupad ng batas ang siyang lumalabag sa batas, kaya may saysay iyon sa datos!
Naiintindihan ko ang PNP sa kanilang paglalabas ngayon ng mga datos at impormasyon na iyan, bilang pagdepensa na rin sa sarili sa likod ng sunud-sunod na mga krimen na kinukubra ng media ngayon. Sila ang nababatikos ngayon sa mga nagaganap na krimen. Pero kasalanan ba ng media ngayon kung ipaalam sa publiko kung ano ang nangyayari sa UP-Los Baños kung saan ginagahasa at pinapatay ang mga mag-aaral? Dapat lang matakot at mangamba ang mamamayan! Ang sabi nga sa akin ng isang taga-Singapore, kung saan may isa sa pinaka-mababang bilang ng krimen sa mundo, “low crime does not mean no crime”. Hindi komo mababa ang bilang ng krimen, ay okay na ang lipunan. Ang tila sinasabi ng PNP sa paglalabas ng ganitong pahayag ukol sa krimen sa bansa, ay wala silang magagawa. Kaya may katwiran na mangamba ang mamamayan. Obligasyon ng gobyerno, kasama na ang pulis at lahat ng ahensiyang may kinalaman sa kapayapaan at kaayusan, na bigyan ng proteksyon ang mamamayan. Kung sasabihing hindi na nila kaya dahil kulang sila sa bilang, ano na nga ang mangyayari sa lipunan?