Noon ako’y bumibigkas mga tulang hindi akin
pagka’t ako ay bata pa at ang diwa’y musmos pa rin;
Sa utos ng mga guro – mga tulang bibigkasin
pumili ng mga tula sa aklat na magagaling!
Mga tula ni Balagtas, ni De Jesus at Karasig
sa aklat na piling-pili sinaulo’t pinilantik;
Sa tinig na taas-baba inayos ang bawa’t himig
at saka sa entablado sinanay ang kilos tindig!
Mga guro ay natuwa – isinali sa bigkasan
nang makitang sa pagbigkas ay pwede nang mailaban;
Sa bawa’t paglaban ang nakamit ay tagumpay
kaya noo’y kinilalang mambibigkas na pambayan!
Sa maraming baya’t lunsod ako’y laging nagwawagi
sa pagbigkas ng tulaing hindi akin at sinipi;
Sa unit meet, provincial meet pangalan ko’y napatangi
at sa aking paaralan panalo ang laging uwi!
Palibhasa’y gumugulang ang edad ko sa pagtula
sinikap ko na magsulat at bumigkas na nang kusa;
Kaya minsa’y sinikap kong sa tanghala’y pumagitna
aba’y pwede naman palang bumigkas ng aking tula!
Kaya ngayo’y heto ako’t sa maraming pagtitipon
bumibigkas na ng tula sa pagtaas na ng telon;
Musikero’t mang-aawit kasabay kong nagkakampiyon
pag humarap na sa bayang taguyod ang kompetisyon!
Subali’t ang aking dunong sa pagbigkas ng tulain
ay di tulad ng makakatang nabantog sa bayan natin;
Sa ngayon ay limitado ang puso ko at damdamin
sa dunong na angkin noon ng makatang magagaling!
Si Balagtas, Huseng Batute, Karasig, Caravana
at ng ibang magagaling na makatang pumanaw na;
Noong sila’y nabubuhay ay magaling na talaga –
ay hindi hangad higtan pagka’t sila ay wala na!
Ang dalangin ko na lamang silang lahat dakilain;
at sa aking mga tula buhay nila ay dalitin
Di ko sila makakayang sa pagtula ay talunin –
pagka’t sila’y mga henyong sa bansa ay yaman natin!