MAITUTURING na mga hinayupak, matitigas ang ulo, at kapalmuks talaga ang mga nagmamay-ri ng mga bilya- ran at inuman sa University Belt sa Maynila.
Hanggang sa mga oras na isinusulat ang kolum na ito, bukas pa rin at balik sa dating gawi ang operasyon ng Yes, Jaca at Sight and Shot Billiard na lungga ng kalokohan ng mga estudyante sa U-Belt.
Maging ang Marina Mansion at 525 apartelle na nag-aalok ng short time sa mga estudyante, bukas pa rin.
Kataka-takang patuloy ang negosyo ng mga ito gayung paulit-ulit na closure order na o pagpapasara ang ginawa ng Manila City Hall Bureau of Permit sa mga establisimentong ito.
Matatandaan, nangako ang hepe ng Bureau of Permit ng Maynila na bago mag-Biyernes ay sisiguraduhin nilang totally closed na ang mga ito.
Subalit Lunes, muli kaming nagpalakad ng BITAG undercover. Tulad ng inyong inaasahan, tuloy-tuloy pa rin ang kasiyahan sa U-Belt sa oras ng klase!
Ayon kay Director Nelson Alivio, sadyang matitigas daw ang ulo ng mga nagmamay-ari ng mga negosyong ito dahil paulit-ulit na ang kanilang pagbisita at paghain ng closure order ay sige pa rin ang kanilang operasyon.
Itinanggi nilang malakas sa Manila City Hall at kay Mayor Alfredo Lim etong mga gunggong na nagmamay-ari ng Yes, Jaca at Sight and Shot Billiards, Marina Mansion at 525 Apartelle.
Ibig sabihin, wala kayong pangil? Kinakayan-kaya-nan lang kayo ng mga bastos na negosyanteng ito dahil hindi kinikilala ang inyong kapangyarihan?
Director Alivio, alam kaya ni Mayor Lim ang mga pangyayaring ito? Hindi ba’t si Mayor mismo ang nagsabing “No one is above the law and the law applies to all?”
Sagot ni Director, hindi raw nila alam bakit sobrang tigas ng ulo ng mga negosyong ito. Iniisahan daw sila, nagbubukas ng mga araw ng Sabado at Linggo kung kailan walang opisina.
Muli, nangako na naman ang magaling na director ng Manila Bureau of Permit. Ipapahuli na raw nila sa kanilang kapulisan kapag patuloy na nilabag ng mga nagmamay-ari ang kanilang closure order.
Director, hindi ipinanganak kahapon ang BITAG. Huwag n’yo kaming ituring na isang palabas lang dahil hindi kami gumagawa ng sarsuwela, ginagawa naming kung ano ang sinasalita ng grupo!
Kaya naman, pakisabi na rin kay Mayor Lim, walk your talk! Hindi titigil ang BITAG hangga’t hindi namin naibibigay ang kahilingan ng mga magulang at mga unibersidad na tuluyang ipatanggal, ipasara at tuldukan ang operasyon ng mga lungga ng kalokohan sa U-Belt. Itaga niyo yan sa bato!