NATANONG ako ni Ms. Tina Monzon Palma sa ANC Program Talkback kung interesado pa rin kaming mga abogado sa kaganapan sa impeachment trial? Ang sagot ko ay yes, interesado pa rin ang legal community. Mas higit pa nga ang pagsubaybay namin ngayon. Patung-patong ang legal questions na lumalabas at inaabangan namin kung paanong desisyunan ng isang hukuman ng mambabatas ang mga kontrobersiyang karaniwa’y nilulutas ng mga mahistrado.
Sa senator judges na dumidinig sa Corona impeachment, 11 ang abogado. Alam ng lahat na hindi kuwalipikasyon ang law degree para maging senador. Sa kabila nito ay naniniwala pa rin ang marami na mas malaki ang tsansa mong maging senador kung ika’y abogado. Kaya nakagugulat ang natuklasan ko sa rekord: Minsan lang, matapos ibalik ng 1987 Constitution, na nagkamayorya ng abogado sa Senado. Ito’y noong 1987 kung saan 13 sa 24 ay abogado. Sa mga sumunod na batch ng Senado, laging minorya na lang ang senator lawyers.
Interesante rin ang kasaysayan ng lady lawyers sa Senado. Sa kasalukuyang trial, mangha lahat kay Senate President Juan Ponce Enrile. Subalit bigla itong natalbugan nang tumayo si Senadora Miriam Defensor Santiago. Ang kaalaman ni Sen. Miriam ay tinitingala sa propesyon, hindi lamang sa Pilipinas kung hindi na rin sa International Arena. Magugulat kayo na sa dami na ring naging lady senators mula kay Senadora Geronima Pecson noong 1947, tatatlo rito ang abogado. Maliban kina Senadora Defensor-Santiago at Pia Cayetano, ang pangatlo sa trio ay si Sen. Tecla San Andres-Ziga ng Bicol.
May relasyon ding teacher-student na namamagitan sa ilang counsel at se-nator judge: Alam natin na si Justice Serafin Cuevas ng depensa ay naging propesor ng ilang prosecutor. Sina Senador Teofisto Guingona III at Alan Peter Cayetano at marami sa prosecutors na Ateneo graduates ay naging estudyante tiyak ng Ateneo law professors sa defense panel tulad nina Dean Eduardo de los Angeles at Prof. Jacinto Jimenez.
Ang law school fraternity affiliations din ay napapag-alaman. “Brods” sa Sigma Rho (U.P.) sina Enrile, Cuevas, Angara, Drilon at Daza; Utopia (Ateneo) naman sina Corona, Salvador, De los Angeles, Jimenez; Aquila Legis (Ateneo) sina Aggabao, Tugna, Abaya, Boyet Gonzales at ang Prosecution logistical support head, Cong. Bem Noel; Upsilon (U.P.) si Kiko Pangilinan at Joker Arroyo; Alpha Phi Beta (U.P.) si Chiz at si Pres. Roan Libarios ng IBP.
Sina Senate President Enrile at Chief Justice Corona ay parehong Master of Laws graduate ng Harvard Law School.