MAGANDA ang epekto ng binuksang motorcycle lanes sa EDSA. Nagkaroon ng kaayusan at disiplina ang mga nagmomotorsiklo sapagkat nasa isang lane lang sila tumatakbo. Hindi na maiilang ang mga motorista sapagkat mayroon nang sarilinhg lane ang mga nagmomotorsiklo. Ang pagkakaroon ng sariling lane ay inaasahang makakabawas sa nangyayaring aksidente araw-araw. Maraming nagmomotorsiklo ang naaaksidente sapagkat kung saan-saan o palipat-lipat sila ng lane. Isang delikadong gawain na hindi lamang sila ang napeperwisyo kundi pati na rin ang iba pang motorista. Dahil iniiwasan ang mga nagmomotorsiklo, nagkakaroon ng aksidente na hindi naman sana dapat mangyari.
Karaniwan nang naiipit ang mga motorsiklo o di kaya’y pumapailalim sa mga malalaking truck dahil sa kawalan ng disiplina sa pagmamaneho. Mayroong kinakain ang linya para sa mga bus at truck. Mayroong kahit na madulas ang kalsada ay walang takot kung magpatakbo at bahala na kung ano ang mangyayari. Mayroong sumi-zigzag ang takbo na parang sila lamang ang sasakyan sa kalye. Hindi na iniisip ng mga nagmomotorsiklo na inilalagay nila sa panganib ang buhay ng iba pang motorista.
Mula nang buksan ang motorcycle lanes, maraming nagmomotorsiklo ang hinuli ng mga traffic enforcer ng MMDA dahil sa hindi paggamit ng kanilang linya. Pero dahil nasa dry run pa lamang at sa isang linggo pa ipatutupad nang totohanan, pinayuhan lamang ang mga nagkamali. Ayon sa MMDA, ang mahuhuling nagmomotorsiklo na hindi gumagamit ng blue lanes ay pagmumultahin ng P500 sa bawat violations. Madali namang makita ang motorcycle lanes dahil asul ang pintura nito.
Kung maipatutupad nang maayos ang motorcycle lanes, tiyak na mababawasan ang mga naaaksidente. Higpitan din ang mg walang helmet habang nagmomotorsiklo. Ipagbawal din naman ang pag-aangkas ng mga bata. Isa ring kabutihan ng blue lanes, maaaring madali nang mahuhuli ang riding-in-tandem na gagawa ng krimen.