TUNAY na makapangyarihan ang diwa ng Valentine’s Day matapos magkasundo ang prosecution panel, defense lawyers ni Chief Justice Renato Corona at senators-judges na i-adjourn nang maaga ang impeachment hearing. Bago kasi magsimula ang hearing, tahasang ipinangalandakan ni Senate President Juan Ponce Enrile na “birthday or no birthday” the trial would continue. Nataon na ika-88 kaarawan ni chairman Juan Ponce Enrile ang Valentine’s Day kung kaya marami ang nais makatikim ng masustansyang pagkain este pumapel na magkaroon muna ng break sa impeachment trial. Kaya nang maghain si retired Justice Serafin Cuevas ng motion sa pagpapaliban ng mainit na balitaktakan ay kinatigan na ito ng senators judges at prosecution.
Kung sabagay tama lamang ito dahil nag-overheat na naman si Senator Miriam Defensor-Santiago hinggil sa pekeng dokumentong isinumite ng grupo ni Rep, Umali. Matapos pagbubulyawan ang grupo ng prosecution ay hiniling pa ni Santiago sa impeachment court judges na ipa-disbar ang mga kasangkot na abogado sa paglatag ng pekeng bank document. Paano kahit na ilang beses nirebyu ang footages ng CCTV sa Senate compound, walang makitang “little girl” na unang binanggit ni Umali.
* * *
Marami ang nasiyahan sa libreng kasalan na inorganisa ng mga pulitiko at tusong negosyante noong Valentine’s Day. Daan-daang magkasintahan at maglive-in ang nabigyan ng libreng kasal at handaan sa Parañaque, Caloocan at Pasay City. Panghatak din kasi ito ng boto sa darating na 2013 election.
Ang PNP naman ay hindi nagpahuli sa katanyagan ng Valentine’s Day matapos na magkasal ng 20 pulis sa Camp Crame, Ninong si PNP chief Dir. Gen. Nicanor Bartolome. Ngunit sa kabila ng masayang kasalan sa Camp Crame, aba’y nalusutan na naman sila ng riding-in-tandem. Kasi’y isang di-kilalang lalaki ang pinagbabaril sa loob ng jeepney na biyaheng Almar/ Welcome Rotonda sa may kahabaan ng Commonwealth Avenue, Bgy. North Fairview. Hawak pa nang napatay ang 2 roses na marahil ibibigay niya sa kanyang mahal sa buhay nang pagbabarilin ito sa loob ng jeepney. Tumigil lamang ang jeepney sa X-Finity gasoline station upang magkarga ng diesel, ang masakit walang pulis na nagpapatrulya sa kalye kaya matagumpay na nakalusot ang mga salarin.
Sa Binondo naman, kalunus-lunos ang sinapit ng isang natutulog na lasing sa konkretong upuan sa loob ng Delpan Paraiso Park na matapos na pagsasaksakin sa katawan ay iniwanan pang nakatarak ang dalawang kitchen knife sa dibdib nito. As usual walang nagpapatrulyang pulis ni Supt. Ferdinand Quirante sa naturang lugar. PNP chief Bartolome sir, asan na naman ang mga pulis?