MARAMI akong nakakausap na naniniwalang nagkasala man o hindi si chief Justice Renato Corona hindi na siya dapat manatili sa puwesto. Kung maabsuwelto raw siya sa ginaganap na impeachment trial, ang marangal na dapat niyang gawin ay magbitiw na sa puwesto para sa ikabubuti ng bansa.
Ganyan din ang opinyon ko. Pag nanatili siyang Chief Justice at nakatanim pa ang galit niya sa administrasyon, malamang ang lahat ng aksyon ng Pangulo na kukuwestiyunin sa Mataas na Hukuman ay matatalo.
Pero napakagulo ng trial sa Senado. Puro ‘‘wow mali’’. Laging nasasabon ang Prosecution sa pangu-nguna ni Rep. Niel Tupas dahil sa mali-maling diskarte. Ang pinakahuling palpak ay ang paglalantad ng bank documents na ayon mismo sa taga-bankong sumaksi ay peke.
Habang nagka-kape ako sa isang coffee shop, nari-nig ko ang biruan ng dalawang magkaibigan tungkol sa kapalpakang ito. Anang isa, ‘‘hindi kaya tumatanggap ng payola ang prosecution mula kay Corona?’’ “Bakit mo naman nasabi yan pare?’’ Sagot ng nauna, “kasi mukhang gusto nilang ipatalo ang kaso sa ginagawa nilang diskarte mula pa noong una.’’ Nagtawanan ang magkaibigan.
Biruan lang naman nila ito. Pero hindi naman siguro sinasadyang ipatalo ng prosecution ang kaso. Sabi nga ng isang kaibigan ko, talagang mahina lang ang mga prosecutor dahil hindi naman mga trial lawyer.
Tingin ko nga ay tinutulungan na sila ng ilang senator-judges sa paggigisa ng mga testigo.
Marami tuloy ang bu-mabatikos sa ilang senador sa pagpapakita nila ng pagkiling sa prosekusyon.
Masyadong komukonsumo ng oras ang impeachment trial na ito. At para sa kabutihan ng bansa, tapusin na sana. Maraming mas importanteng bagay na dapat asikasuhin katulad ng lumulubhang kahirapan ng taumbayan at ang pagtaas sa presyo ng mga bilihin.