Kahihiyan

KANSELADO na ang Permit to Carry ni Paulino Elevado. Tama lang dahil nasa patakaran ng PNP-FEO na kapag ginamit ang baril sa paggawa ng isang krimen, otomatic na kanselado na ang Permit to Carry. Pati pala yung kasama ni Elevado na si Florencio Bato ay kanselado na rin ang Permit to Carry dahil sa mga kalbre 45 na basyong nakita sa lugar ng krimen. Si Bato ay may lisensiya para sa isang .45 na baril, pero hindi ito nakita nung nahuli sila. Ayon sa PNP, malamang ay tinapon ng mahuhuli na. Mabuti at inaksyunan ng PNP ang kanilang mga baril. Wala sa lugar ang paggamit nila ng baril nung gabing iyon, dahil wala naman sa peligro ang kanilang mga buhay. Talagang papatay na sila ng tao nung gabing iyon. Ito ang mga klaseng tao na hindi na dapat pinapayagan magdala ng baril kahit saan. Kung makukulong, siguro naman wala na silang mga baril sa loob ng kulungan!

Si Carlos Garcia naman ay nilaglag na ng Philippine Military Academy Alumni Association Inc.(PMAAAI), dahil sa kanyang ginawang pagnanakaw nung siya’y comptroller ng AFP. Dahil sa kumpirmado na ang kanyang pagkakasala, binigyan niya ng masamang imahe ang PMA at ang buong Alumni Association. Heneral pa naman siya. Nasa kasaysayan na ng PMA ang kanyang pagiging kriminal. Pero mukhang hindi siya ang huli at nandyan pa si Jacinto Ligot na kinakasuhan rin para sa pandarambong. Kapag napatunayan na nagkasala rin siya, dapat lang na ilaglag na rin mula sa PMA.

Tama yang pinapahiya ang mga ganyang tao, lalo na yung may mga posisyon sa gobyerno o sa militar. Tama yung sinabi ni President Aquino na akala ng mga iyan ay sila na ang hari ng bansa, dahil lamang sa posisyon at sa yaman. Kadalasan yaman na nakuha naman sa kriminal na pamamaraan. Kaya kapag napatunayan nang may sala, ilaglag na at pahiyain, dahil na rin sa kahihiyan na dinulot nila sa kanilang mag kasama, sa kanilang mga organisasyon.

Marami pang mga Elevado at Garcia diyan na gumawa ng krimen. At marami pa ang kinakasuhan na para sa krimen na kinasangkutan. Dapat naka media rin ang kanilang kahihiyan. Nung hindi pa nahuhuli, sigurado ubod ng yabang ang mga iyan at madalas manliit ng kapwa. Tama lang na sila na ang manliit at mahiya para sa kanilang mga ginawa.

Show comments