“SORRY na lang!” Ito ang huling namutawi sa bibig ni Gong Shu Yang, alias “Win Ke” o “Jacky Yang” nang aking makapana-yam noong Biyernes ng madaling araw habang akay ng mga tauhan ni Senior Insp. Joey Ocampo papasok sa Manila Police District Headquarters. Pautal-utal na Tagalog ang tugon ni Shu Yang sa aking mga katanungan hinggil sa brutal na pagpatay sa girlfriend na si Zhao Chun Lan noong January 14 sa harap ng Finance Building sa Roxas Boulevard, Malate, Manila.
Ayon kay Shu Yang, inunahan na niyang patayin ang girlfriend na si Zhao matapos pagbantaan umano siya na papatayin din oras na mag-krus ang kanilang landas. Mahiwaga ang mga binitiwang salita ni Shu Yang kaya pinilit kong alamin mismo sa kanya kung ano ang brutal killing subalit tumanggi ito. Nang maibaling namin ang katanungan kay Senior Insp. De Ocampo, napag-alaman ko na si Shu Yang ay may obligasyong tinalikuran matapos ipalaglag ang bata sa sinapupunan sa abroad at tinangay pa niya ang P1.3 milyon ni Zhao. Iniwan ni Shu Yang si Zhao sa ospital habang nakaratay ito at bumalik sa Pilipinas upang mamuhay milyonaryo. Lulong din umano si Shu Yang sa casino kaya nasaid ang pera nito; isa rin umano itong estapador.
At noong January 14 ng madaling-araw, nag-krus ang landas ng dalawa at dito nai-record ng CCTV ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang buong pangyayari. Nakita sa CCTV na nagtalo muna ang dalawa bago ang pananagasa ni Shu Yang sa girlfriend at matapos ay umatras ito pabalik at tatlong beses na inundayan ng saksak sa dibdib ang nakahandusay na biktima bago muling sinagasaan upang siguradong patay na. Ngunit malinaw na nai-record ang Nissan Cefiro na may plakang XAY-741 at ng isang saksi na isang jogger. Mula nang maglaho ang Nissan Cefiro, naging 24 hours na ang paggalugad ng mga tauhan ni De Ocampo at noong February 3 ay nakatanggap ng tawag mula sa isang di nagpapakilalang babae na ang kotseng hinahanap ay nakita sa basement ng EGI Tower Condominium sa may Taft Avenue, Malate, Manila.
Doon naaresto si Shu Yang ng mga tauhan ni De Ocampo at agad na pina-medical bago dalhin sa MPD-Homicide Division Office. Dinala rin ni De Ocampo ang Nissan Cefiro na may Commemorative plate na FBINAA sa harapan ngunit nang hawiin ay tumambad ang tunay na plaka nito na XAY-741 at ang nasa likurang plate ay WSX-384. Subalit nitong Sabado ng gabi, nagulat ako nang makasagap ng tawag na si Shu Yang ay nagbaril sa sarili matapos na agawin ang baril ng kanyang Escort ha bang binabagtas ang kahabaan ng Taft Avenue patungong Fiscal’s Office. Sinikap pa umano ng kanyang mga escort na maisalba si Shu Yang subalit dead on arrival ito sa Philippine General Hospital dahil sa tama ng bala sa baba na tumagos sa kanyang utak. Sa nga-yon, iniimbestigahan na ang mga escort ni Shu Yang upang maalis ang alinlangan sa pagkamatay nito.
Abangan!