NOONG nakaraang Linggo ay tinalakay ko ang kaso ng bayaning Palawenyo na si Doc Gerry Ortega. Nataon po kasi na ilang araw akong nagbakasyon sa Palawan at nakilala ang biyuda ni Doc Gerry na si Patty at kanilang mga anak na patuloy na nagdadalamhati dahil sa wala pa ring nangyayari sa kaso. Sayang nga at bumalik ako ng Maynila dalawang araw bago ang ika-1 taon ng pagpaslang kay Doc Gerry. Dapat sana ay nakisali ako sa ginawang pag-alala ng pamilya, kamag-anak, kaibigan at mga taga suporta.
Dahil sa aking mga nalaman sa kaso at nakita sa Palawan, nais kong idagdag ang boses sa mga nanawagan na kay President Noy na mapagtuunan ng pansin ang kaso ng mamamahayag na walang takot nagsiwalat ng katiwalian sa kanyang mahal na lalawigan.
Tunay na napakaganda ng Palawan. At dahil sa walang tigil na kampanya ni Mayor Edward Hagedorn ng Puerto Princesa, dagsa ang pumupuntang turista sa ngayon. Ngunit habang mabilis ang pag-unlad sa siyudad, nakakapanghina ang kalagayan ng mga Palawenyo sa labas ng siyudad. At lalo pang nakakahinayang na ganun ang kalagayan gayung napakarami palang pera ang dumaan na sa lalawigan.
Sana maisama ni President Noy sa dapat sampulan ang paglilinis sa mga balitang katiwalian sa Palawan. Partikular ang paggamit sa pondo ng Malampaya na bilyun-bilyon ang halaga ngunit tila puno ng katiwalian noong nakaraang administrasyon.
Tinukoy ng Commission on Audit sa report nito ang ukol sa paggamit ng pondo ng Malampaya. Malinaw ang rekomendasyon na sampahan ng kaso ang mga ito, kabilang ang dating gobernador na si Joel Reyes.
Nakikiusap rin ako sa COA na sana ilabas na ang ikalawang bahagi ng kanilang report kung saan ginawang personal na pondo ng mga tiwa ling opisyal ang kaban ng bayan na tinutukoy ni Doc Gerry noong siya’y nabubuhay pa.
* * *
Para sa anumang reaksyon, suhestiyon text lang sa 09498341929 o e mail sa nixonkua@ymail.com