Sinabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomic Services Administration (PAGASA) na magpapatuloy ang walang humpay na ulan dito sa katimugang bahagi ng ating bansa hanggang sa buwan ng Marso.
Ika-15 pa lang ngayon ng Enero. Ang haba pa ng panahon bago magpakita ang ‘haring araw’ kung totoo nga ang sinabi ng mga weather forecasters ng PAGASA na hanggang Marso pa ang tag-ulan na ito. Ibig sabihin nito, patuloy din ang mga pagbaha at landslides sa ilang lugar dito sa Mindanao.
At ang patuloy na pag-ulan ay nagdudulot ng paulit-ulit na pagbaha sa mga flood-prone areas at pagguho ng lupa sa mga tinatawag na flood-prone areas dito sa isla ng Mindanao.
Libu-libong pamilya na ang naapektuhan sa patuloy na pagbaha sa malawak na bahagi ng katimugan ng Pilipinas.
Ilang daang mamamayan na rin ang namatay sa pagbaha lalo na yaong dulot ng Bagyong Sendong sa siyudad ng Cagayan de Oro at Iligan noong nakaraang Pasko.
Dahil sa mga pangyayaring ito, kapansin-pansin na kung dati ang pangunahing problema sa Mindanao ay ang insurhensiya, maging mapa-New People’s Army, Moro Islamic Liberation Front (MILF). Moro National Liberation Front o di kaya’y mga bandido man, ngayon ay iba na ang problema na hinaharap ng mga mamamayan sa isla.
Ang sunud-sunod na pagbaha at landslides sa iba’t ibang bahagi ng isla ang lumalabas ngayon na pangunahing problema dito sa amin sa Mindanao.
May mga pagsalakay pa rin at mga engkwentro sa pagitan ng mga sundalo at mga rebeldeng NPA o MILF, ngunit hindi na talaga ganun kasing tindi noon na naging dahilan ng pagkakaroon ng mga internally-displaced people lalo na sa mga bayan ng Central Mindanao.
At dahil dito, naging abala na ang mga sundalo na nadestino dito sa Mindanao at maging ang mga pulis sa kanilang search and rescue efforts tuwing may pagbaha o pagguho ng lupa.
Nagkaroon na ng shift sa focus ang ating Armed Forces of the Philippines sa katimugan. Andun na agad sila sa tuwing bumabaha o di kaya’y may landslide.
Kinakailangang pagtuunan ng pansin ang mga pagbabagong ito.
Siguro naman ay pupuwede ring mas mag-reach out si Senator Loren Legarda, na isang staunch advocate sa disaster risk reduction at climate change adaptation, sa mga taga-Mindanao at mas palawakin niya ang kanyang paghihikayat na maging mas conscious ang mga mamamayan sa mga bagay ukol sa environment.
Kaya napapanahon na paigtingin ng ating mga local government units ang disaster risk reduction at climate change adaptation measures sa kani-kanilang bayan. Kailangang maging resilient ang mga komunidad sa harap ng mga panibagong problemang ito.
Iba na ang mukha ng pangunahing problema natin dito sa Mindanao at lalong kailangan din nating maging mas matibay sa pagharap ng hamon ng panahon at ng kalikasan. (ERR)