Nasaan ang batas kapag Linggo?

LINGGO ng hapon. Nakahinto ako sa stoplight sa tapat ng Philippine Heart Center. Napansin ko sa bandang kanan ang dalawang Rosemann Bus na magkasunod na dumeretso at hindi pinansin ang signal light kahit na nakatigil ang mga sasakyan dahil pula ang ilaw. Ang stoplight ay nandun para sa tawiran ng tao sa harap ng Heart Center. Pero sa dalawang drayber ng Rosemann bus, wala silang pakialam sa ilaw, dahil wala naman daw sigurong tumatawid. Dito makikita kung sino ang mga drayber na nag-iisip at kung sino ang iniisip lang ay ang sarili.

Dahil ba walang pulis na nagbabantay at Linggo naman ay puwede nang dedmahin ang ilang mga stoplight sa Metro Manila? Paano pala kung may hindi napansing tumatawid at nagmamadaling makapunta ng Heart Center para dalawin ang inatakeng mahal sa buhay? Eh di nakapatay na naman ang bus? Kung ako ang tatanungin, hindi na dapat pinagmamaneho ang dalawang drayber ng Rosemann bus. Nakita naman nilang nakahinto ang mga sasakyan sa tawiran sa magkabilang bahagi ng East Avenue, dahil para nga sa tao ang stoplight, pero wala silang pakialam. At mula sa parehong kumpanya pa ng bus ang magkasunod na lumabag sa batas! Ganito ba ang turo ng kompanya sa kanilang mga drayber? Lumabag sa lahat ng pagkakataon basta magkapasahero sa lalong madaling panahon? At nasaan ang MMDA? Kapag Linggo ba, bahala na ang lahat? Day-off na ang lahat at pati ang pagsunod sa batas-trapiko ay day-off na rin? Akala ko ba may MMDA sa lahat ng oras kahit gabi, sa lahat ng araw? Chairman Tolentino, ano ba ang patakaran kapag Linggo?

Kaya wala na talagang pag-asang madisiplina ang mga pampublikong drayber, dahil likas na sa kanila ang lumabag sa batas. Dahil walang pakialam sa paligid nila. Dahil hindi makaisip ng tama. Dinadaan sa laki ng sasakyan at sa suporta ng kanilang kumpanya kung sakaling makaaksidente at makasakit, o makapatay. At talagang mga mahihina naman magmaneho. Kaya kahit suwelduhan pa rin ang mga drayber at hindi na quota, tiyak wala pa ring disiplina sa kalye. Kaya nasaan naman ang mga dapat nagpapatupad sa pagsunod sa batas? Nasaan sila kapag Linggo? O talagang wala namang batas-trapiko kapag Linggo? Baka naman ako ang mali?

Show comments