ANO ba itong tinatawag nilang small scale mining? Bakit ito pinapayagan ng mga opisyal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at ng mga local na pamahalaan?
Ang small scale mining ay literal na maliliit na kumpanya o grupo na humihingi ng permiso sa mga local na pamahalaan at DENR upang makapagmina sa pamamagitan ng manu-manong sistema.
Karamihan, diyan sa lugar ng Mt. Diwalwal kung saan ang mga namiminang ginto ay madaling makuha ng hindi kailangang gumamit ng mga makabago, mamahalin at malalaking mga gamit.
Kadalasan pa sa mga ito ay kanya-kanyang sistema ng paghuhukay ng ginto na hindi sinasaalang-alang ang kanilang sariling kaligtasan o kapakanan ng lugar na minimina nila.
Halos walang nasusunod na batas sa pagmimina rito lalo na at nasa ilalim sila ng bundok. Ang mga namimina naman nila ay binibili ng mga negosyanteng karamihan ay pag hindi kasosyo ng mga local na pamahalaan, pulis o sundalo ay may tongpats sa mga kinauukulan.
Madalas din kasali ang mga opisyal ng DENR na gagawing katwiran ay hindi naman nila ito kayang kontrolin dahil may permit na si Mayor at ang gobernador.
Matagal nang may kampanya ang mga responsableng mga grupo na ipatigil ang mga ganitong gawain. Ang mga civil society at mga grupong simbahan ay noon pa nananawagan na huwag nang payagan ang small scale mining lalo na’t wala kang hahabuling mga malalaking kompanya kung magkaroon ng bulilyaso.
Walang nangyayari sa mga panawagan nila, nagtatayngang kawali ang mga opisyal dahil karamihan naman sa mga involve sa small scale mining ay inaayos sila.
Nagkaroon tuloy ng panibagong trahedya sa Compostela Valley at asahan nating hindi ito ang huli. Marami pa ang susunod hangga’t hindi gagawin ng DENR, gobernador at mayor ang kanilang tunay na trabaho at iyan ay ipatigil ang small scale mining.
* * *
Para sa anumang reaksyon, suhestiyon text lang sa 09498341929 o e-mail sa nixonkua@ymail.com