ISANG shabu laboratory ang ni-raid ng PDEA sa loob ng Ayala Alabang Subdivision! Apat na Chinese nationals ang nahuli sa raid. Matagal na raw minamanmanan ang kilos ng apat hanggang sa matagpuan sila sa loob ng Ayala Alabang. Patunay lang na hindi porque mahigpit ang security ay ligtas na ang isang lugar. Nakakainis nga ang security ng ibang mga subdivision. Tila wala kang karapatang pumasok samantala mga kriminal naman pala ang binabantayan! Matinding tanungan kung saan ka pupunta at kung ano ang gagawin mo, pero mga gumagawa naman pala ng iligal na droga ang laman ng eksklusibong subdivision! Ang isyu ko rito ay sana inaalam din ng mga guwardiya kung may mga iligal na gawaing nagaganap na rin sa loob ng mga binabantayan nilang lugar. Kadalasan sa loob ng subdivision pinipili ng mga gumagawa ng droga itayo ang kanilang mga laboratoryo dahil nga alam na mahigpit at suplado ang mga guwardiya. Sino ngayon pala ang mas may karapatang pumasok?
Natatandaan ko sa isang subdivision sa Loyola Heights may nahuling gawaan din ng iligal na droga. Kailangan lahat ng mga eksklusibong subdivision ay suyurin na rin para sa mga laboratoryong ito. Baka ang kapitbahay mo ay shabu lab na pala na pinatatakbo ng mga dayuhan! Kung maraming tao na labas-pasok, pati mga sasakyan na dumadating sa alanganing oras, baka laboratoryo na nga!
Pero indikasyon na naman ito na dito sa Pilipinas lumilipat ang gawaan ng mga droga mula sa ibang bansa. Indikasyon na lumuluwag na naman ang mga otoridad, mahina ang screening at background check katulad sa Ayala Alabang, o matindi na naman ang perang ipinaluwal ng mga sindikato para makapagtayo ng operasyon sa bansa. Bagong taon na kaya ruma-ratsada na naman ang mga sindikato sa paggawa ng droga. Mabuti na lang at nahuli itong laboratoryong ito.
Kung gustong bumili ng mga bagong eroplano ang Pangulong Aquino para sa Philippine Air Force, na dapat lang, dapat bigyan din ng magandang budget ang PDEA para makabili ng mga bagong kagamitan para labanan ang iligal na sindikatong droga. International ang mga sindikatong ito na mahahaba ang pisi at matitindi ang kagamitan. Dapat tapatan para hindi na sila bumalik sa Pilipinas. Kung walang laboratoryo dito, tataas nang husto ang presyo ng shabu hanggang sa hindi na makayanag bilhin ninoman. Isang paraan ito para masugpo ang iligal na droga, na salot sa buhay ng isang tao ang kanyang pamilya.