Kami ay naglakbay sa malayong bayan
ang sinakyan namin ay Korean jetplane;
Miyembro ng pamilya ay walo sa bilang
bansang South Korea ang aming dinatnan!
Panganay kong anak ang muling tumaya
sa lahat ng gastos siya ang tumaya;
Malamig na rehiyong noon lang nakita
kaya maginaw man aming sinagasa!
Nakapagtatakang bansang pinuntahan
malaki ngang bansa ay nahati naman;
Democratic flag doon ay wagayway
kaykapal ng damit nitong mamamayan!
Doo’y pumapatak ay ulang may yelo
kaya sa pasyalan tatamarin tayo;
Kay lamig ng hanging doo’y dumadapyo
nanginginig ako pati diwa’t puso!
Sa kung ilang araw kaming naroroon
lagi nang maganda ang buong maghapon;
Pero nadama kong mga tagaroon
may dalang pangamba ang bagong panahon!
Nahati ang bansa na dati’y iisa
at ang napagsapit itong South Korea;
Kalahati ng bansa ay North tawag nila –
may bago ng lider baka raw mang-gyera!
Itong South Korea lubhang asensado
malalaking building makikita rito;
Maraming kainan masaya ang tao
walang kahirapan sa lahat ng dako!
Dahil kami’y dayong nag-holiday lamang
masaya man kami ay ginaw na ginaw;
Mga anak, apo sa yelo’y tampisaw –
si misis at ako nasa Marriot na lang!
Saka mahal doon ang mga paninda:
ang 50,000 Won, P50.00 ang kasinghalaga;
Damit at pagkain na dito ay mura
doo’y lubhang mahal – kami’y umuwi na!