Act of God?!!

KAPAG may mga nangyayaring kalamidad, tinatawag ito ng tao na “act of God.” Taliwas ito sa katangian ng Diyos na ayon sa Kanyang Salita ay Diyos ng pag-ibig.

Ang mga malalagim na delubyo at iba pang trahed-    ya ay hindi kagagawan ng Diyos kundi ng tao. Sino ba ang kumakalbo sa kagubatan? Sino ba ang walang habas kung magtapon ng basura na bumabara sa mga daluyan ng tubig at nagdudulot ng pagbaha kapag malakas ang ulan? TAO at wala nang iba.

Tapos kapag nanalanta ang kalikasan bunga ng kapalaluan ng tao ay tatawagin natin itong “act of God”? Huwag namang alipustain ang Diyos.

Dapat marahil, ang mga mambabatas nating naniniwala sa Salita ng Diyos ay bumuo ng panukalang batas na magbabawal sa terminolohiyang “act of God” patungkol sa mga sakuna o kalamidad.

Gamit na gamit ang mga katagang ito lalo na sa mga kontrata sa seguro. Na kung ang naganap ay “act of God” babayaran ito ng paseguruhan.

Ang pinaniniwalaan kong act of God ay kapag bu­muhos sa iyo ang pagpapala ng Diyos. Kung na-promote ka sa trabaho dahil mahusay ka at hindi dahil sa “kasipsipan” act of God iyan.

Ang Diyos ay hindi nagdudulot ng kapahamakan. Kung napapahamak man ang tao dahil sa paglabag sa Diyos, tao na ang may kasalanan.

Ang mga kautusan ng Diyos ay hindi lamang tumpak sa espirituwal na dimension kundi maging sa praktikal. Ayaw tayong maging sakim ng Diyos dahil ang kasakiman ay nagbubunga ng kapalaluan na sumisira sa ating kapaligiran. Nagkakaroon ng tag-gutom dahil yung mga makapangyarihan at masalapi ay inuubos ang biyaya at hindi na nagtitira sa mga nagdarahop.

Yung mga namumutol ng kahoy at nagmimina nang walang habas ay doble pinsala ang ibinibigay sa kapaligiran kaya inaabot tayo ng mga mapaminsalang baha.

Napapahamak ang mundo dahil sa act of men. Huwag nating sisihin ang Diyos.

Show comments