Malungkot na Pasko

Darating ang Pasko – nais ko’y magsaya

Subali’t puso ko’y sakbibi ng dusa;

Maagang yumao mabait kong ama’t

Sa kanya’y sumunod uliran kong ina!

Ang sabi ni ina nang buhay si ama –

Siya’y katiwala ng mayamang donya;

Malaking lupaing pamana sa kanya

Nang kami’y mag-aral naipagbili na!

Uliran kong ina’y masarap magluto –

Dinala sa langit gusto kong adobo;

Sa kanyang paglisan nalumbay ang puso

Di na matitikman – bibingka at puto!

Saka ang diwatang pinaka-iibig

Ay biglang nagtampo di alam kung bakit?

Kapiling nga siya ang ngiti’y kay pait

Ligayang hangad ko’y waring panaginip!

Mga kaibigang dati ay kalimpi

Doon sa high school at elementary –

Hindi na dumalo sa aming jubilee

Marami’y may sakit ang iba’y nasawi!

Noo’y pinangarap masayang pamilya

Sa araw ng Pasko kami’y sama-sama;

Subali’t wala na sina ama’t ina

At ang limang brothers ay nagsipanaw na!

Dadalwa na kaming ngayo’y nabubuhay –

Ako at si ate’ng nasa nayon naman;

Kaya anong saya ang mararanasan

At sa Paskong ito’y aking hinihintay?

Ano nga ang Paskong sa aki’y darating

Ang hatid sa puso ay luksang damdamin?

Ang kaligayahang dati’y aking akin

malamig na dampi ng Disyembre’ng hangin!

Kaya ang ligayang dapat kong asahan –

Sa araw ng Pasko ay kapayapaan

Saka ang hustisya sana ay makamtan –

Ng mga pinatay na newsmen. sibilyan!

Show comments