NGAYONG araw na ito nakatakdang bitayin ang Pinoy na nahulihan ng illegal drugs. Wala na umanong makapipigil. Pero sabi ni Vice President Jejomar Binay, hindi pa siya nawawalan ng pag-asa. Kung matutuloy ang pag-execute, ang Pinoy ang magiging ikaapat sa mga nabitay sa China dahil sa drug trafficking. Noong nakaraang Marso 30, 2011, binitay sina Sally Ordinario-Villanueva, Ramon Credo at Elizabeth Batain. Hindi pinakinggan ng China ang kahilingan ng Pilipinas na ibaba ang hatol. Ang batas sa kanila ay masyadong mahigpit kapag illegal drugs ang nagawang kasalanan.
Umano’y may 70 pang Pinoy death convict sa China at pawang droga ang kanilang kasalanan. Nakalinya na sila sa bibitayan at tanging ang himala na lamang ng Diyos ang makapagliligtas sa kanila.
Hindi lamang sa China may mga Pinoy na nakapila sa bibitayan kundi meron din sa ibang bansa. Pawang illegal na droga ang kanilang kaso. Karamihan umano sa mga Pinoy ay ilang beses nang nakapagpasok ng droga at nakakamal na nang malaking pera mula sa sindikato. Dahil nakatikim nang malaking pera, muling sumubok na magpasok ng droga pero natiklo na.
Karaniwang nire-recruit ang mga Pinoy o Pinay para maging drug mules o tagabitbit ng droga. Ang recruiter umano ay Pilipino rin. Siya ang nag-aayos para mapapayag ang na-recruit na magbitbit ng droga. Kapag pumayag, doon na magsisimula ang trabaho ng “drug mules”.
Hanggang ngayon ang mga nag-recruit sa tatlong binitay na Pinoy noong Marso ay prenteng-prente pa rin at nag-aabang ng panibagong bibiktimahin. Pinamakaganda kung magkakaroon ng maigting na operasyon ang pamahalaan laban sa mga recruiter. Pinakamagandang gawin ay dakpin ang recruiter ng Pinoy drug mule at bulukin din sa kulungan. Ang mga katulad nila ay walang karapatan sa mundo.