Rekord

MATAGAL na nating naririnig na may kakulangan ng barya sa bansa. Na hinihikayat ng gobyerno ang lahat ng may mga alkansyang pinupuno ng mga barya katulad ng beinte-singko, diyes at singko na ilabas na lang sa sirkulasyon para magamit. May mga supermarket pa ngang nagbibigay ng mga insentibo para ilabas ang mga barya. May “pabuya” kapag nakapagpapalit ng P100 halaga ng barya, o iba pang kaparehong promo.

Kaya ako nagulat nang mabasa ko na may iba na namang hinahabol na rekord ang Pilipinas – ang pinaka-mahabang dugtung-dugtong na barya, gamit ang beinte-singko sentimo na barya! Kung ganun, wala pala tayong kakulangan sa barya?

Kung may panahon tayong mangolekta ng higit tatlo’t kalahating milyong piraso na beinte-singkong barya para mabuo ang 73 kilometrong haba ng barya, wala na siguro tayong problema, di ba?

Ngayon, pinaka-mahabang linya ng barya. Sa mga nakaraan, pinaka-mahabang linya ng nilulutong bangus, pinaka-malaking bandera, pinaka-mahabang longganisa at kung anu-ano pa. Hindi naman sa minamaliit ko yung gustong makuha ang rekord, pero ano ba ang halaga ng malagay sa Guinness Book of World Records sa ganitong mga paraan? Baka naman nagkakamali ako, pero gumaganda ba ang turismo ng bansa kapag nalalagay sa libro sa ganitong mga paraan?

Sa kaso ni Lolong, yung nahuling buwaya sa Agusan del Sur na dineklarang pinaka-malaki sa mundo, naka­tulong sa turismo ng bayan ang rekord. Pero ang mga ibang bagay katulad ng barya, bangus at longganisa? Baka naman naglalagay tayo ng masyadong maraming oras para lang malagay sa Guinness Book of World Records, at napapabayaan ang ibang mas mahalagang mga bagay. Hindi nga tinanggap ng Guinness Book of World Records ang rekord ng pinaka-maraming sabay-sabay na tinuli! May hangganan ang ganitong klaseng paghahabol ng kasikatan!

Mas maganda naman kung matatanggal tayo sa mga ibang rekord kung saan Pilipinas ang nasa numero unong puwesto, katulad ng pinaka-masamang paliparan sa mundo at pinaka-corrupt na bansa sa Asya. Iyan ang mga rekord na kailangang buwagin! Iyan ang mga rekord na dapat pinaghihirapan nang husto na matanggal ang Pilipinas.

Show comments