Editoryal - Basura ng mga ospital

MALAKING hamon sa Department of Health (DOH) ang pagkakadiskubre sa ibinibiyaheng “basura ng mga ospital” mula sa Metro Manila at dinadala sa Tarlac para doon itapon. Mabuti at na-intercept ang mga truck na may dalang basura. Galing Parañaque City ang dumptruck at patungo sa Metro Clark landfill sa Capas, Tarlac. Nakita ng mga awtoridad sa basura ang umano’y sariwa pang dugo, ginamit na bandage sa sugat, bulak, diapers, mga karayom ng heringgilya, discarded medicine at iba pang hospital equipment.

Ang DOH na rin ang nagsabi na hazardous ang mga basura ng ospital. Hindi umano ito dapat binibiyahe at nararapat na ang mga ospital ang mangasiwa sa sarili nilang medical waste. Hindi ito dapat ipinagkakatiwala sa iba upang makasiguro na hindi matatapon at kumalat ang mga basura. Lubhang delikado sa kalusugan ang mga ba­surang galing sa ospital kaya nararapat umano itong pag-ingatan na ma-exposed sa mga tao. Pangga­galingan ito ng mga sakit.

Kung anu-anong sakit ang kumakalat ngayon — mga sakit na walang lunas at basta na lang dadapo at pinapatay ang mga tao. At hindi naman pala dapat magtaka sa nangyayaring ito sapagkat kung sino pa ang dapat ay manguna sa pangangalaga sa kalusugan ay sila pa pala ang namumuno para kumalat ang mga sakit. Sa halip na pag-ingatan ang kanilang mga basura para huwag ma-exposed sa tao ay ipinauubaya pa sa iba. Anong nangyayari sa mga ospital na tila walang pag-iingat at walang pakialam sa kalusugan ng mamamayan?

Nararapat na tukuyin ng DOH ang mga ospital na nagtatapon ng kanilang basura at patawan sila ng kaukulang parusa. Kilalanin ang mga ospital na walang pakialam sa kanilang basura. Pangalanan sila para naman nalalaman ng mamamayan ang kanilang masamang ginagawa. Maaaring noon pa nila ginagawa ang pagtatapon ng kanilang basura at ngayon lamang nadiskubre.

Ang pag-monitor ng DOH sa mga ospital na nagtatapon ng kanilang basura ay nararapat paigtingin nang todo. Lubhang delikado kapag hindi naipatigil ang kanilang delikadong gawain.

Show comments