Sa kaiisip ko ng tulang pampitak
hindi napigilang maluha na galak;
Dahil nagunita masayang lumipas
sa dampang tahanang sira’t butas-butas!
Noon ay buhay pa uliran kong ina
sa dukhang tahanan ako’y alaga n’ya
Sa munting mahingi na konting barya
sa chocolate candies nagpapakasawa!
Wala na si Ama nang ako’y isilang
di siya kasama sa munting tahanan;
Mga kapatid ko’y pawang nag-aaral
doon sa Maynila hanap-kapalaran!
Matapos mag-high school sila’y nagtrabaho
sa hangad magtapos sa mga kolehiyo;
Sila’y namasukan sa kung anu-ano
kaya nakatapos sa kanilang kurso!
Noon naman ako’y nasa elementarya
sa lilimang perang baon ko sa bulsa –
Isang platong pansit at may tinapay pa
pag-uwi kay Ina ako ay masaya!
Masaya sapagka’t lagi kong kapiling
mabait kong ina ako’y nilalambing;
Bagama’t kita kong naghihirap mandin
sa munting negosyo na kaya n’yang gawin!
Madilim-dilim pa siya’y nagbabangon
kasama pa ako sa tuwing bakasyon;
Sa daraang tren na mabilis noon
kami’y pa-Maynila may bitbit na bayong!
Ang laman ng bayong ay sabon at karne
doon sa Tutuban bumababa kami;
At sa Divisoria kami’y nagbibili
sa mga tinderang doo’y kanyang suki!
Sa sistemang ito’y masaya ang buhay
sa aming mag-inang simpleng kabuhayan;
At upang baon ko medyo maragdagan
naglalako ako ng dyaryo’t pandesal!