AKTIBO ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan laban sa mga fixer. Sila ‘yung mga putok sa buhong hindi naman empleyado, kapal muks na nag-e-entertain ng mga taong nagpupunta sa mga tanggapan ng gobyerno.
Ang kanilang alok, mabilisang serbisyo. May kamahalan ang serbisyo ng mga kolokoy na ito, pero dahil konektado raw sila sa loob ng tanggapan, sila ang bahala sa’yo.
Sa mga naniniwala, ang nagiging resulta ay sobrang sakit sa ulo. Ayaw n’yong maghintay ng matagal at pumila sa sandamakmak na tao, naloko naman kayo.
Dahil dito, isang batas na Anti-Red Tape o ang Republic Act 9485 ang ipinapatupad upang tapusin ang kalokohan ng mga dorobo at manggagantsong nambibiktima ng mga aplikante.
Sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) may isang nagpapakilalang empleyado. Ang kanyang mga biktima, lumapit sa BITAG.
Itinakbo lamang ang kanilang pera matapos silang pangakuan ng prangkisa para sa kanilang mga pampasaherong FX at jeepney.
Ibinibida rin ng suspek ang pagiging pangulo ng isang samahan ng mga tsuper at pagkakaroon ng koneksyon sa Land Transportation Office (LTO) at Department of Transportation and Communication.
Labas-masok lang daw sa tanggapan ng LTFRB na tila isang regular na nagta-trabaho sa loob ng opisina ang kolokoy kaya naman paniwalang-paniwala ang mga biktima sa suspek.
Ayon sa LTFRB, hindi nila empleyado ang inirerekla- mong suspek. Kilos-pronto, tinuldukan ng BITAG ang kalokohan niya, sa hiling na rin ng kaniyang mga biktima.
Sa tanggapan at pamumuno ni Capt. Celso Destajo ng District Police Intelligence Operation Unit (DPIOU) ng Quezon City Police District, ikinasa ang entrapment operation sa suspek.
Talagang malakas ang loob ng kolokoy dahil sa mismong compound ng LTFRB nito gustong makipagkita upang kunin ang pera ng kaniyang bagong biktima.
Ang ending…Abangan sa BITAG! Tuwing Biyernes, alas-8:15 ng gabi sa AksiyonTV 41 at alas 10:15 ng gabi sa TV5.
Kaya muling paalala ng Chief Management Information Division ng LTFRB, huwag makipag-usap sa mga nagpapakilalang aayusin ang kanilang dokumento para makuha ang prangkisa dahil gasgas na ang kani-lang babala sa lahat.