MUKHANG malabo ang house arrest na inihihirit ng kampo ni dating Presidente at Pampanga Rep. Gloria Arroyo.
Dalawang linggo mula ngayon ay magpapalabas na ng order ang Pasay-RTC para ilipat na at ipiit sa pasilidad ng gobyerno si Mrs. Arroyo na nasasakdal sa kasong election sabotage.
Ngunit possible pa rin ang hospital arrest kung talagang hindi pa kaya ng kalusugan ni Mrs. Arroyo ang makulong sa piitan. Pero ito’y sa mga pagamutan ng pamahalaan at hindi sa pribadong ospital tulad ng St. Lukes Medical Center.
Nagsimula na kamakalawa si Judge Mupas na mag-ikot-ikot upang silipin ang mga government facilities na puwedeng paglagakan kay Mrs. Arroyo. Naririyan ang V. Luna Medical Center, National Orthopedic Hospital at maging yung mga totoong karsel na inayus-ayos na para naman bigyan ng kahit katiting na paggalang si Mrs. Arroyo na minsa’y naglingkod bilang Pangulo.
Pero wika nga, ang akusado ay akusado kahit bigyan pa ng konting espesyal na pagtrato. Kahit si dating Presidente Erap ay nalantad sa matinding kahihiyan noon. Inaresto siya ng sam-batalyong pulis, ipiniit sa selda bago bigyan ng hospital arrest sa Veterans Hospital hanggang sa payagang mamalagi sa kanyang rest house sa Tanay, Rizal. Gayunman, pinalibutan ng sangdamakmak na barb wire ang lugar at guwaryado ng sang-rekwang pulis (24-7)
Sabi ni Erap, ayaw niyang danasin ni Mrs. Arroyo ang dinanas niya at naaawa siya rito dahil “wala nang ibang naaawa sa kanya.”
Sey ni Erap, okay lang sa kanya ang ganung kapalaran dahil lalaki siya pero si Mrs. Arroyo ay babae na hindi dapat bigyan ng parusang para sa lalaki.
Pero may kasabihan ang mga abogado na ang batas ay batas gaano man ito kalupit. Dura lex, sed lex. Naging malupit ang batas kay Erap pero at least nanatili ang mga mara-ming naniniwala sa kanya kaya nung kumandidato siyang muli nung nakaraang eleksyon ay muntik pang manalo.
Sa kaso ni Mrs. Arroyo, mukhang majority ang nagpalabas na ng hatol na guilty sa kanya. Kawawa pero life is what we make it.