NAMUMUTIKTIK ang mga pulubing namamalimos sa kalsada ngayon. Habang papalapit ang Pasko, parami nang parami ang mga pulubi. Iba’t iba ang estilo. May pulubing karga ang bata, may mga umaakyat sa dyipni at nag-aabot ng nanggigitatang sobre, may mga bulag na akay-akay ng kanyang alalay, may nakalupagi sa daanan ng mga tao sa sidewalk at may mga naka-wheelchair na may ipinakikitang sulat kuno. Marami pang estilo ang mga pulubi para kaawaan at limusan.
Sa pagkalat ng mga pulubi sa kalsada, walang ibang tinatanong kundi ang Department of Social Welfare and Development (DSWD). Ano ang ginagawa nilang hakbang upang malambat ang mga pulubi? Huwag sabihin ng DSWD na mas makapangyarihan pa sa kanila ang mga pulubi ay hindi kayang dakmain at ilagak sa mga tirahan. O, hinahayaan na lamang ng DSWD ang mga pulubi sapagkat wala silang plano sa mga ito.
Bakit nanamlay na yata ang DSWD laban sa mga pulubing nagkalat sa kalsada at ginagawa nang hanapbuhay ang pagpapalimos? Ilang buwan na ang nakararaan, nainterbyu pa sa radio si DSWD secretary Dinky Soliman at sinabi niyang huwag lilimusan ang mga pulubing nagkalat sa kalye. Dahil aniya sa paglilimos sa mga pulubi kaya patuloy sa pagdami ang mga ito. Hindi raw makatutulong ang paglilimos kung hindi lalo lamang silang tinuturuang umasa sa ibinibigay ng kapwa nila. Hindi na sila magtatrabaho at aasa na lamang sa limos.
Karamihan sa mga namamalimos sa kalsada ay mga bata. Sa Quezon Ave. cor. Araneta Ave. ay maraming pulubi —mga Badjao— na sumasampa sa dyipni at namumudmod ng mga sobre. Ilan sa kanila ay may mga dalang tambol na lata at walang tigil na tinatambol kahit walang kawawaan. Palipat-lipat sila sa mga dyipni. May mga nahuhulog dahil sa pag-uunahang makasakay at makahingi ng limos. Ang masaklap, ang kawawang jeepney drayber na naghahanapbuhay ang lalabas pang may kasalanan dahil nahulog. Ang drayber pa ang kakasuhan.
Nararapat kumilos ang DSWD para damputin ang mga pulubi sa kalye. Katulungin ang Philippine National Police at Metro Manila Development Authority para madakma ang mga pulubi at saka ilagak sa mga bahay ampunan. Simulan ang pagdakma upang ang problema ay hindi lumala.