BAKIT naman magkakaroon ng “international backlash”, o mapapasama tayo sa mundo, kung ilalagay si dating president Arroyo sa isang detention center, imbis na house arrest na lang? Ito ang babala ng dalawang senador sa administrasyon ni President Aquino. Kung makita na ganun tinatrato ang dating presidente, baka wala na raw magnegosyo sa Pilipinas. Ha? Paano ba siya tinatrato ngayon? Masama ba? Pinapahiya ba katulad ng ginawa kay dating President Estrada? Nagkomentaryo ba ang mga senador noong hinuhuli at kinukulong na si Estrada? Nagkaroon ba ng “international backlash”?
Marami pang mga dating pinuno ng ibang bansa na hinuhuli rin dahil sa katiwalian. Sa South Korea lang, may panahon na sunod-sunod ang paghuli sa mga dating presidente. May mga humingi pa nga ng tawad sa mamamayan sa pamamagitan ng TV at radyo. May mas nakakahiya pa ba doon? Sumama ba ang ekonomiya ng South Korea dahil diyan? Nag-alisan o umiwas ba ang mga negosyante sa South Korea matapos nun? Sa Egypt kailan lang, tinanggal si Mubarak. Nalaman ba ng mundo kung paano siya tinrato eh may sakit din siya? Si Gadhaffi, pinatay, nasa You Tube pa. Nagka “international backlash” ba? Napakarami ngang gustong pumasok na sa Libya dahil wala na nga si Gadhaffi!
Dagdag pa ng isang senador, dahil daw sa mataas na approval rating ni P-Noy, hindi raw makakakilos ang mga nasa militar na labanan ang gobyerno, pero huwag daw tuksuhin ang tadhana. Ha? May alam ba siyang mga nasa militar na gusto na sanang kumilos pero dahil sikat na sikat pa si P-Noy sa mamamayan, alam na hindi sila magtatagumpay? Parang isang banta ang narinig ko, hindi isang babala! Galing pa sa isang senador na alam na alam kung paano maging rebelde sa isang lehitimong administrasyon! Banta nga.
At permanente ba ang paglagay kay Arroyo sa isang detention center? Hindi ba sumusunod lang sa proseso, para makita rin na hindi siya binibigyan ng special treatment? At kapag nakahain na ng mosyon para sa house arrest, ay baka pumayag na rin ang korte? Parang masyado namang grabe ang ginagawa kay Arroyo ngayon, na nasa isang singkwenta mil kada araw na kuwarto sa St. Luke’s. Sumusunod lang sa proseso lahat. Ang kampo Arroyo lang naman ang gustung-gusto ipalabas na minamalupit sila. Nagsalita na nga ang mga doktor na pagaling na siya at puwede nang lumabas ng ospital. Pati yun gustong pigilin ng mga abogado ni Arroyo. Sila na lang ang dapat bigyan ng payo ng dalawang senador, huwag yung administrasyon.
At masabi ko lang, kaya nagkakagulo na naman sa Egypt ay dahil tila ayaw nang bumitiw sa kapangyarihan ang military na pansamantalang nagpatakbo ng gobyerno nang mapaalis si Mubarak. Hindi talaga tatanggapin ng tao ang isang gobyernong pinatatakbo ng militar. Yan ang babala.