GINAGAMIT ngayon ng mga dorobo ang isang proyekto ng lokal na pamahalaan ng Baguio City. Ang proyektong ito kasama ang Department of Environment and Natural Resources ay tinawag na Cadastral Survey.
Ang cadastral survey ay pagsasaayos ng mga sukat ng mga lupain sa lungsod ng Baguio. Subalit nakaabot sa tanggapan ni Coun. Isabelo Cosalan Jr., na ito ang ginagamit na instrumento ng mga manloloko na gumagala sa kanilang lungsod.
Ang modus, land scamming. Ayon sa mga nagre-reklamong nakapanayam ng BITAG habang nasa Baguio City ang aming grupo, may ilang nagpapakilalang kawani umano ng city hall na kabilang sa cadastral survey ang lumapit sa kanilang mga residente.
Alok daw ng mga ito, mabilisang pagbebenta ng lupa na nasa ilalim ng Cadastral Survey. Sa halagang limampung libong piso lamang daw, sa kanila na ang lupa at may kasama na itong titulo na nakapangalan sa sinumang bibili.
Katulad ng inaasahan, matapos malikom ang pera ng mga biktima, naglahong parang bula ang mga kawatang nagpakilalang taong gobyerno na kabahagi umano ng proyekto.
Sa pagdami ng mga nabibiktima, ang tanggapan ni Coun. Cosalan Jr. ang unang nabahala dahil sa pagdagsa ng mga reklamo sa kaniyang tanggapan.
Kaya’t isang babala ang agad na ipinakalat ng lokal
na pamahalaan ng Baguio sa mga barangay sa lungsod upang magbigay ba-bala sa lahat sa lumalaganap na modus.
Kasalukuyang gumagala pa rin ang mga suspek sa iba pang barangay at malalayong pamayanan sa Baguio City. Naglilibot upang makahanap ng mga bagong biktima.
Nakahanda ang BITAG na makipagtulungan upang mahulog sa lambat ng mga otoridad ang mga suspek na ito.
Nagbigay na ng babala si Coun. Cosalan sa mga suspek, kumikilos na ang kanilang tanggapan upang agad matuldukan ang panlolokong ito.
Bukas ang mga linya ng BITAG sa ibaba ng kolum na ito para sa iba pang impormasyon.