MAITUTURING na open secret ang mga pasugalan at underground mini-casino sa Baguio City, eto ang natuklasan ng BITAG isang linggo na ang nakakaraan.
Nasa Baguio ang grupo ng BITAG noong mga panahong iyon dahil sa isang tip na ipinaabot sa aming tanggapan ng isang residente sa nasabing lungsod.
Laganap, garapalan at wala nang pakundangan ang mga tagong pasugalan at mini-underground casino sa tinaguriang summer capital of the Philippines.
Ayon sa tipster, ang old theatre house sa Dagohoy St. ang pinakamalaking tagong pasugalan. Mga minero, estudyante at kung minsan ay mga pulis na naka-uniporme pa ang mga parukyano rito.
Ang kinaroroonan nito, ang red light district na hilera ng mga bar, ktv at club sa Baguio. Bago makapasok sa nasabing pasugalan, isang KTV ang dadaanan papasok sa loob.
Sa ibaba, dalawang lamesa lamang subalit dinadagsa na ito ng mga sugalero. Dokumentado ito ng BITAG kasama ang tipster na pumasok sa unang target.
Sa ikalawang palapag ng gusali, halos 10 lamesa raw ang nakapuwesto at kayang okupahan ng mahigit 300 katao.
Hindi namin magawang makapasok sa 2nd floor dahil sa higpit ng mga look out. Kapag bago ang mukha mo, hindi ka nila basta-basta papapasukin dito.
Ang ikalawang target, ang lumang fortune hills building sa Legarda Road, Baguio City o ang tinatawag na Dampa.
Ayon sa tipster, ito ang tinatawag nilang underground casino dahil higit isang dosena ang slot machines na nandito. Lahat ng uri ng larong lamesa ng casino, dito rin matatagpuan.
Ang mga info na ito mula sa tipster, nasa intel din ng mga otoridad ng Baguio. Markado sa kanila ang dalawang lugar na ito at ang iligal na aktibidades dito.
Sa asset na ipinakilala sa BITAG ng Philippine Drug Enforcement Agency Cordillera Administration Region (PDEA-CAR), kumpirmado ang lahat ng info ng tipster na lumapit sa amin.
Sa tanggapan naman ng National Bureau of Investigation Cordillera Administration Region, matagal na nilang pinaplanong ikasa ang operasyon laban dito.
Sa ikalawang araw na paglagi ng BITAG sa Baguio, isang info ang napag-alaman namin, agad na raw nagsarado at nag-padlock ng establisimento ang Dampa.
Bagay na ikinapagtataka ng mga taga-Baguio dahil beinte kuwatro oras daw bukas ito. Samantalang ang Dagohoy, nanatiling bukas noong mga oras na iyon kaya’t ikinasa ng NBI-CAR kasama ang BITAG ang isang paglusob dito.
Hindi na ikinagulat ng BITAG ang mga sumunod na pangyayari sa oras ng operasyon...
Abangan ang ikalawang bahagi...