DILANG propeta itong si COMELEC Chair Sixto Brillantes. Magugunita na ilang buwan na ang nakalilipas ay iniha-yag niya na si Pampanga Rep. Gloria Arroyo at asawang Mike Arroyo ay magpapasko sa kalaboso.
Ang tanong naman ng iba: Dilang propeta nga ba o sad-yang alam na ang resulta ng niluluto laban sa mga Arroyo? Well, whatever. Sa tingin ko’y sa kabila nito, nananatiling katig ang maraming mamamayan sa administrasyon.
Medyo sumablay lang ng kaunti ang prediksyon ni Brillantes dahil hindi kasama ang dating unang ginoo sa mga inisyuhan ng arrest warrant ng Pasay RTC.
Matatandaan natin na umalma noon ang kampo ng mga Arroyo at pinagbibitiw sa tungkulin si Brillantes dahil para daw niluluto na ang husga sa kasong electoral sabotage laban kay GMA.
Bagamat may mga tumutuligsa sa administrasyong Aquino dahil daw minamanipula ang pagpapabilis sa asunto laban sa mga Arroyo, nananatili naman ang simpatiya ng mas maraming taumbayan sa administrasyon. Sa mga komentaryo sa twitter, facebook at iba pang social networking channels, sa halip na maawa ay lalo pang nilalait ang dating Presidente. Nakakaawa rin naman.
Personally, naaawa ako sa dating Pangulo. Pero malupit humatol ang taumbayan. Mas malupit kaysa Hukuman.
Mukhang kumbinsido ang mas maraming Pilipino na may sala nga ang dating Pangulo. Sa kabila nito, bilang mga Kristiyano’y ipanalangin natin ang mabilis na pagga-ling ni Mrs. Arroyo.
Nagmamakaawa nga ang kampo ng dating Pangulo sa media na huwag nang ilathala ang mugshots niya. Pero hindi naman media kundi hukuman din ang magdedesisyon kung ipalalabas ang larawan.
Maaalala natin na nung si dating Presidente Estrada at anak na si Jinggoy ang kinunan ng mugshots, ito’y lumabas sa mga diyaryo at wala naman silang angal.