TATLONG Koreano ang kinidnap-for-ransom sa Lanao nu’ng nakaraang linggo. Naghahanap sila ng suppliers at makaka-negosyo nang dukutin sila ng mga armadong lalaki. Pagbabayarin ng milyon-milyong pisong ransom ang mga kaanak nila para sila palayain. Isa itong karumaldumal na krimen.
Nu’ng nakaraang linggo rin, ni-raid ng Quezon City police ang isang bahay na hideout ng gang ng magnanakaw sa Barangay Tatalon. Imbakan din ang bahay ng daan-daang nakaw na piyesa ng kotse. Espesyalidad ng gang na magnakaw ng side mirrors, radio antennas, at windshield wipers. Habang mabagal na umaandar ang mga sasakyan sa pook dahil sa road construction, sinisikwat ng mga binatilyo ang mga piyesa sa labas ng kotse. Ilang segundo lang ang operasyon, sabay takbo papasok sa squatter area. Ibinebenta ang mga piyesa sa mga tabi-tabing tindahan ng spare parts sa malapit lang na Banawe Avenue. Hindi ba parang kidnap-for-ransom din ang modus, ‘yun nga lang piyesa ng sasakyan ang nira-ransom ng biktima?
Nu’ng nakaraang linggo rin inilista ang Pilipinas sa sampung bansa kung saan pinaka-mahirap magnegosyo. Tulad ng dati nang lumalabas sa surveys, umangal sila sa malimit na pangingikil sa kanila ng city hall. Para makakuha ng business permit, kailangan maglagay. Bawat opisina ay nanghihingi: City engineer’s, building official’s, fire inspector’s, sanitary inspector’s, at kung sino-sino pa. Inaasahan ng mga mayor na mag-eempleyo ng mga taga-siyudad ang negosyante, at magbabayad siya ng buwis na pansuweldo ng mga taga-gobyerno. Pero kinukunan sila ng pera para lang makapag-operate sa siyudad. Hindi ba’t para rin ‘yang kidnap-for-ransom?
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com