MAY good news po ako. Sa tulong ng pamunuan ng DZRH, sina Mr. Fred Elizalde, Mr. Joe Taruc, MBC President Mr. Ruperto Nicdao, Jr. and Program Director Mr. Ed Montilla, maririnig na po ninyo kami tuwing Sabado 5:00-6:00 ng hapon sa DZRH radyo (666 sa AM band), RHTV sa ilang cable channels at DZRH radio streaming sa internet.
Bukod sa pagsusulat sa Pilipino Star NGAYON, PM (PangMasa) at sa Philippine STAR, excited kami ng aking maybahay na si Dra. Liza Ong sa “Docs On Call” radio show sa DZRH.
Ito’y dahil alam naming nangunguna sa dami ng pakikinig ang DZRH. Mula sa Luzon, Visayas, Mindanao, internet at abroad pa.
Iniimbitahan ko po kayong makinig tuwing Sabado 5 to 6 PM dahil marami kaming paksa na tatalakayin na alam kong magugustuhan ninyo. Ito ang ilan lamang sa aming mga paksa:
1. Mga paraan para humaba ang buhay. Ang pag-inom ng aspirin, gamot sa kolesterol, diabetes at altapresyon ay talagang nagpapahaba ng buhay. Iilan lang ito sa 20 paraan para humaba ang buhay. Abangan.
2. Saging, ang pinakamasustansyang prutas. Maraming sakit ang kayang pagalingin nito tulad ng ulcer, insomnia, stress. Nakatutulong din ito sa sakit sa puso, leukemia at stroke.
3. Mga paraan para makatipid sa medikal na gastusin. Itanong sa doktor kung ano ang mahalagang gamot at ano ang supplement lamang. Itago ang iyong mga medical records. Magtiwala sa mga generics na gamot. At may 16 pang tips para makatipid.
4. Paano magpapayat. Umiwas sa mga soft drinks at iced tea. Malaki ang ipapayat ninyo sa pag-iwas ng mga ito. Tubig at tubig lang ang dapat inumin.
5. Hepatitis B, delikado ba? Pag-uusapan namin paano mapapalakas ang atay para hindi lumala ang hepatitis.
6. Pag-uusapan din namin ang 20 pinakamasustansyang pagkaing Pinoy. Ano kaya ito?
Noong mga nakaraang linggo ay lampas 150 text messages at tawag ang aming natanggap. Mag-usap-usap po tayo roon!