Sa ngayon, kahit ano pa ang sabihin ni Ramona Bautista, kung wala rin siya sa bansa at nasa Turkey umano, wala nang kredibilidad at lalo pang pinatitibay na may kinalaman siya sa pagpatay sa kapatid na si Ramgen. Ayon sa paniwala ni Sen. Bong Revilla, tumulak na patungong Turkey ang kanyang kapatid sa ama na si Ramona. Si Ramona ay kasal umano sa isang Turkish national. Pinatitibay lang ang paniniwala ng marami na umiiwas na si Ramona sa batas, at hindi sa media na tinutrumpeta ng kanyang abogado! Kung umiiwas sa media, bakit nagbigay pa ng panayam bago lumayas ng Pilipinas, at ang dinidiin pa ay ang assistant mismo ni Ramgen ang may kinalaman?
Inisip din ng mga pulis ang kasangkutan ng assistant ni Ramgen, pero sa kanilang imbestigasyon ay hindi siya suspek, kundi testigo sa krimen. Nakita niyang lumalabas ng bahay ang magkapatid na Ramona at JR. Ewan ko, pero tila mas malalim na ang butas na kinalalagyan ni Ramona, na siya mismo ang naghukay at nagpalalim. Paano niya ipagtatanggol ang sarili niya kung wala siya sa bansa? Ang kanyang pagbaliktad ng kuwento ng kanyang “kidnapping”, ang pagmamadali niyang makaalis ng bansa, lahat iyan ay magtataas talaga ng kilay ng tao!
Alam siguro na hindi kakayanin ang imbestigasyon ng mga pulis, kaya umalis na lang ng bansa. At tila may tumulong pang tao para makaalis kaagad at hindi maistorbo sa airport, na hinahanap ngayon! Sino naman kaya iyon? Iyan ang gustong malaman na rin ng lahat! Marami pang kabanata ang mabubuksan sa krimen na ito. Bagama’t may konting linaw kung ano talaga ang naganap sa loob ng bahay ni Ramgen, marami pang tanong ang hindi pa nasasagot. Isa na rito ay ang motibo ng pagpatay kay Ramgen. Ayon sa Senador, hindi naman daw siguro pera ang isyu. Kung hindi pera, ano nga kaya?
Malungkot ito dahil bukod sa namatayan na ang isang kapamilya, nabubuksan pa sa lahat ng sumusubaybay ang buhay ng kanilang pamilya.