KALALABAS lamang ng BITAG sa kolum na ito ang kaso hinggil sa pagkawala ng bagahe ng isang pasahero sa bus pauwi ng kanilang probinsiya.
Nagbigay na rin kami ng ilang babalang maaring gamiting panuntunan ng lahat upang maiwasan ang mga ganitong problema.
Hindi pa man, isa na namang biktima ang lumapit sa aming tanggapan. Hindi nawala ang kaniyang bagahe subalit sinira ito at ninakaw ang kaniyang mahahalagang gamit.
Ang biktima, isang Overseas Filipino Worker mula sa bansang Kuwait na nagdesisyong magbakasyon sa Pilipinas dahil mag-uundas. Ang kaniyang inirereklamo, ang kanya rin mismong pinagtatrabahuan na Kuwait Airways.
Subalit ang kaniyang bakasyon, nauwi sa matinding kunsumisyon dahil tatlong high-end cellphones at mga mamahaling alahas ang ninakaw sa mismong maleta ng biktima.
Palatandaan na ninakaw ang mga ito, iniwan pa ang mga sirang lalagyan o karton ng mga item sa kaniyang maleta. Sinira rin ang zipper ng kaniyang maleta, halatang puwersahang binuksan ito upang nakawan.
Sa airport pa lamang, ipinaalam na niya sa mga empleyado ng Kuwait Airways ang problema. Imbes na tulungan, nagtawanan pa ang mga hunghang na tila walang problema.
Sa umpisa, inakala ng biktima na sa Pilipinas siya nabiktima ng mga kawatan. Subalit sa tulong mismo ng Ninoy Aquino International Airport, napag-alamang sa Kuwait mismo nakulimbat ang mga nawawalang gamit.
Ang resulta, kinagalitan ang mga kawani ng Kuwait Airways ng General Manager ng NAIA dahil sa kapabayaan at di pag-asikaso sa problemang ito.
At ang mga tinamaan ng lintik, kung hindi pa nanghimasok ang BITAG, hindi pa magsasabi sa NAIA na halos araw-araw ay may mga reklamo na ninakaw ang laman ng bagahe ng kanilang mga pasahero.
Matapos masabon ng NAIA ang Kuwait Airways, nangako ang mga ito na babayaran ang mga nawalang gamit sa bagahe ng biktima na kailangan lamang daw dumaan sa proseso.
Tanong ng BITAG, kalian? Hindi pa kami tapos sa inyo, tutukan namin ang kasong ito.
Patuloy na babala ng BITAG, pinakamabuting tip sa lahat na i-hand carry na lamang at ‘wag nang ilagay sa inyong mga iche-check in na bagahe ang mga mamahaling gamit tulad ng mga nawala sa biktima.
Dahil ayon kay NAIA Manager Director Melchor Delos Santos, may accountability rin ang mga pasahero sa kanilang mga personal na gamit na dapat pag-ingatan.
At ang masakit, may limitasyon lamang na dapat palitan o bayaran ang mga airline company sa bagaheng masisira, mawawala o mananakawan man.