KASADO na ngayon ang inilatag na seguridad ni PNP chief Dir. Gen. Nicanor Bartolome bilang paghahanda sa Undas. Ikakalat ni Bartolome ang 5,000 pulis sa Metro Manila para mangalaga sa mamamayan sa mga semen- teryo. May banta kasi ng terorismo matapos na sumiklab ang kaguluhan sa Mindanao. Target ni Bartolome na zero crime ang sele-brasyon ng Undas. Ito’y kung hindi tutulog-tulog ang kanyang mga pulis sa loob ng mga sementeryo’t lansangan. Ito kasi ang araw na sinasamantala ng mga halang ang bituka para magsamantala sa mga iniiwanang tahanan.
At dahil nga nakatutok ang mga pulis sa kapaligiran ng mga sementeryo napababayaan na tuloy ng mga alagad ni Bartolome ang pagbabantay sa mga tahanang pansamantalang iniwan ng mga nagsibakasyon sa mga probinsiya. Taun-taon itong nangyayari subalit hanggang sa ngayon hindi pa natuto ang mga pulis kung papaano nila mabibigyan ng proteksyon ang mamamayan. Ewan ko lang kung ngayon na si Bartolome na ang PNP chief, makatitiyak na kaya na mahahadlangan na ang pananalakay ng “Akyat bahay Gang”. Marahil ang kasagutan ay nasa mga galamay ni Bartolome dahil kung talagang gagampanan nila ang kanilang tungkulin na bigyan ng protekyon ng bawat mamamayan tiyak na kayang-kaya nila.
Ang masakit kasi naging kalakaran na ng mga pulis ang pagtimbre sa kanilang mga opisyales kung kaya walang makitang pulis na nagpapatrulya sa mga lansangan. At iyon ang sinasamantala ng mga kawatan upang kulim-batin ang mga iniwang ari-arian ng mga bakasyunista. Panahon na General Bartolome na ipakita mo ang tunay na serbisyo. Ipakita sa madlang people na karapat-dapat kang pinuno ng mga pulis sa pamamagitan ng paghambalos sa mga nagkasala mong tauhan. At hindi lamang pala mga bahay ang dapat ninyong tutukan. Tuwing Undas ay may mga nililimas na mga sasakyan ang mga kilabot na “Bukas Kotse Gang” sa kapaligiran ng mga semen-teryo. Bukod kasi sa pinagkakakitaan na ng datung ng mga sakim na barangay official ang kalsada sa kapaligiran ng sementeryo ay patuloy pa rin ang pa-nanalakay ng mga “Basag Bintana at Bukas Kotse Gang” sa iniwang car owners. Ewan ko lang kung pati sa parking ay pinakikinabangan din ng ilang abusado at ganid mong opisyales.
Halos lahat kasi ng mga Barangay Official sa Metro Manila na nakasasakop sa mga sementeryo ay tumitiba ng datung tuwing Undas kung kaya ito ang palaging pinag-uugatan ng kaguluhan. Mantakin nyo mga suki tuwing sasapit ang Undas ay napakataas ng bayarin sa parking na sa aking pagkakaalam naniningil ng mula sa P50 hanggang 300 ang bawat parking boys na mga tuta ng barangay. Kaya tiba-tiba ang bulsa ng mga chairman at siyempre may kabahagi rito ang mga pulis. Subalit oras na nagkaroon ng insidente ng nakawan hugas kamay agad ang mga ito at ipinauubaya na lamang sa pamunuan ng PNP ang sisi.
General Bartolome ngayon pa lang ikumpas mo na iyong kamay na bakal para mapigilan ang ganitong masamang gawain.
Abangan!