Noong nakaraang Mayo 22, 2011, maraming paalis at dumating na pasahero sa Ninoy Aquino International Airport ang nadismaya sapagkat ang mga comfort room sa nasabing airport ay walang tubig. Maraming pasahero ang nagsabing napakapanghi ng CR. Ayon pa sa dismayadong pasahero kakahiya sa mga dayuhan na bumibisita sa bansa ang kalagayan ng NAIA na walang tubig ang comfort room. Paano mahihikayat ang mga dayuhan na bumalik dito kung sa CR pa lamang ay dismayado na?
Pagkatapos batikusin ang kawalan ng tubig sa mga CR, saka lang natauhan ang namumuno sa NAIA at ipinasiyasat kung bakit walang tubig. Natuklasan na maraming leak ang tubo ng tubig kaya walan dumadaloy sa mga comfort room.
Kailangan pang maranasan ng mga pasahero ang kawalan ng tubig at masinghot ang kapanghian ng CR sa NAIA bago kumilos ang kasaluku-yang namumuno. Bakit hindi gawing regular ang pag-iinspect sa mga CR para hindi magkaroon ng problema. Kakahiya sa mga pasahero at balikbayan na gagamit ng CR na wala naman palang tubig. Ang NAIA lamang marahil ang may ganitong kalagayan. Sa ibang international airport, napakabango ng CR at napakasarap gamitin.
Hindi nga kataka-taka na magbigay ng komento ang “The Guide To Sleeping in Airports”, isang interactive website na nagsabing pinaka-worst na airport sa mundo ang NAIA. Ang website ang tumatanggap ng mga review at comment sa mga traveler kaugnay sa kalagayan ng mga airport sa mundo. Karamihan sa mga natatanggap na reklamo mula sa travellers ay ang mahinang pasilidad, kawalan ng komportableng upuan, mga bastos na staff o empleado, kawalan ng seguridad at panghihingi ng pera. At lumabas na ang NAIA ang pinaka-worst. Nakakahiya!
Umalma naman ang mga namumuno sa NAIA. Hindi raw totoo ang mga sinabi ng website. Luma na raw ang mga inilagay na photos ng CR na walang tubig. Marami na raw ginawang improvement sa NAIA at patuloy pa silang nagsasagawa ng improvement.
Patunayan sa mga pasaherong dumarating at umaalis na gumagawa ng pagbabago. Sila lamang ang makapagpapatunay kung meron ngang ginagawang pagbabago. Walang ibang makapagsasabi kundi sila na gumagamit sa NAIA.