NAPAGKUWENTUHAN namin ng aking anak na si Se-nate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ang pag-obserba sa World Food Day noong Oktubre 16 sa lahat ng mga bansa sa pangunguna ng Food and Agriculture Organization (FAO). Ang tema ng okasyon ay “Food prices – from crisis to stability.” Napaka-akma ng tema laluna’t napapansing tumitindi ang krisis sa pagkain at presyo nito sa buong mundo.
Binigyang-diin ng FAO na ang krisis sa pagkain ay hindi lang patungkol sa kakulangan ng kakayahan ng maraming mga bansa na mag-produce ng pagkain, bagkus ay tungkol din ito sa mga factor na lubhang nakaaapekto sa food production at sa pagtitiyak na accessible ito sa lahat ng tao – mahirap man o mayaman, at saan mang lugar sila nakatira.
Ilan umano sa naturang mga factor ay ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis na nagbubunsod ng pagsirit ng presyo ng mga pagkain at pagtaas ng gastos sa produksiyon at pag-transport nito; kaguluhan sa ilang bansa kaya nadidiskaril ang food production and distribution; pananalanta ng mga kalamidad; at climate change na dahilan ng mahinang agrikultura. Umaasa ang FAO na ang pag-obserba sa World Food Day ay magsisilbing “wake up and rallying call” sa mga bansa upang seryosohin ang mga hakbangin sa pagtitiyak ng sapat, abot-kaya at masustansiyang pagkain para sa lahat.
Naniniwala si Jinggoy na malaki ang kakayahan ng Pilipinas sa pagsusulong ng food security. Ang Pilipinas ay isang agricultural country na nabiyayaan ng sapat na likas na yaman, kung saan 47 porsiyento ng lupain nito ay angkop sa pagtatanim. Sa pamamagitan aniya ng tamang pangangalaga at paggamit sa natural resources na ito ay mapalalakas ang agricultural productivity ng ating bansa.
Kabilang sa mga adbokasiya ni Jinggoy ang mo-dernisasyon at pagpapalakas ng agrikultura para sa food security at sa ibubunsod nito na pag-unlad ng bansa.