Malalaking isda

NASA Tanggapan ng Ombudsman na ang rekomendasyon ng Senate Blue Ribbon Committee kung saan dapat kasuhan sina dating Unang Ginoo Mike Arroyo, dating DILG Sec. Ronaldo Puno, dating PNP Director General Jesus Verzosa at iba pang mga heneral at opisyal ng PNP hinggil sa pagbenta ng dalawang Robinson Raven R44 helicopters sa PNP, na bukod sa napakamahal ay segunda mano pa! Isang linggo lang binibigyan ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales ang kanyang mga tauhan para pag-aralan ang isasampang kaso kina Arroyo. Kaya inaasahan ng mamamayan na may mangyayari na sa isang imbestigasyon ng Senado.

Pero may isa pang imbestigasyon ng Senado na dapat aksyunan na rin ng Ombudsman. Ang kaso ni dating AFP comptroller Carlos Garcia. Nakakulong si Garcia ngayon, hindi dahil sa kasong pandarambong sa halagang higit P300-milyon, kundi dahil nagsinungaling siya sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) bilang isang sundalo sa AFP. Ayon sa mga alituntunin ng isang sundalo, hindi dapat ito ginagawa ng isang “officer and a gentleman”, kaya ayun, kinulong siya. Pero dalawang taon lang ang kanyang sentensiya para sa kasong ito. Ang mas mabigat na krimeng ginawa ay wala pang tiyak na katapusan. Iyon ‘yung kaso ng pandarambong.

Alam na ang “kasunduan” na ginawa sa pagitan ng gobyerno sa ilalim ni Gloria Arroyo at ni Garcia, kung saan ibabalik niya ang kalahati ng nanakaw niyang pera kapalit ang kanyang kalayaan. Hinarang ang kasunduang ito, at hanggang ngayon ay nakabinbin pa kung ano ang mangyayari na dito. Ito ang dapat tutukan na rin ng Ombudsman. Ombudsman na hindi kasangga ang sinoman sa gobyerno, lalo na sa mga kaalyado ni Garcia. Huling-huli na ang taong ito. Huling-huli ang kanyang hindi mapaliwanag na kayamanan na hindi makakamit ng kanyang sahod bilang isang heneral sa AFP. Huling-huli ang ]kayabangan ng kanyang asawa at mga anak, na namumuhay mayaman sa ibang bansa, na kon-todo mamahaling damit at kagamitan ang pinapakita sa publiko! Sa madaling salita, nahuli na ang isdang ito, kaya hindi na dapat makawala pa. Siguradong tatakbo na ito patungong Amerika at makasama ang kanyang mga pamilyang may mga kaso rin doon. Kung gustong makahuli ng malaking isda ang bagong Ombudsman, ito na yung una!

Show comments