ANG nanalo sa Pinoy Biggest Loser ay pinatunayan na kaya talagang magbawas ng timbang, kung talagang gugustuhin. At katulad ng dinanas ni Larry Martin, disiplina at determinasyon ang kakailanganin para makamit ang tamang timbang, na siyang makakatulong ng malaki sa pangkalahatang kalusugan ng tao. Hindi madali ang nagawa ni Martin. Higit 100 libra sa loob ng limang buwan! Ang dati niyang timbang ay 255 pounds. Nagtapos siya sa paligsahan sa timbang na 154 pounds! Ngayon, gusto nang makabalik sa PNP. Umalis dahil sa malaking tiyan. May patakaran kasi si dating PNP director General at ngayo’y Sen. Panfilo Lacson na hindi dapat lumalampas sa 34 inches ang laki ng tiyan! Siguro noon yun, dahil may mga nakikita akong pulis na parang mas malaki pa sa 34 inches ang tiyan! Gusto nang makabalik sa PNP para matulungan ang maraming pulis na malalaki rin at tila hindi na nga makakatakbo para humabol ng kriminal! Sana nga makabalik siya sa ganung paraan.
Napakagaan siguro ng pakiramdam ni Martin ngayon. Isipin mo kung dati ay buhat-buhat niya araw-araw yung 255 pounds, ngayon 154 na lang! Para na rin siyang lumulutang sa ere niyan! Kaya lagi kong payo sa mga kilala kong malalaki rin, na dapat magbawas ng timbang. Mala-king ginhawa ito sa lahat ng bahagi at parte ng katawan. Hindi na hirap ang puso, hindi na hirap ang mga bato at baga. May kapatid nga akong malaki at may diabetes pa! Kung anu-anong mga pamamaraan ang pinapayo ko sa kanya para pumayat at nagkaka-edad na rin. Ewan ko kung pinakikinggan ako! Pati mga tiyahin ko napapa-galitan na rin siya dahil sa laki niya! Dapat siguro maging inspirasyon din niya si Larry Martin!
Ang kalusugan ay napapansin at nagiging mahalaga na lang kapag tumatanda na ang isang tao. Pero kadalasan, huli na ang pag-aayos nito. Dapat maaga pa lang ay iniisip na ang kalusugan, dahil ang sabi nga, napakamahal magkasakit ngayon. Kahit wala kang problema sa pera, hindi magandang karanasan ang magkaroon ng malubhang sakit. Yung oras na nawawala, hindi mo na mabibili iyon. Nasa huli ang pagsisisi. Totoo ito pag kalusugan na ang pinag-uusapan. Mga naninigarilyo na nagsisisi kapag hindi na makahinga sa ospital dahil sa emphysema, mga naka-dialysis dahil sa renal failure na dulot ng diabetes. Lahat sila nagsisisi. Kaya mabuti pa si Larry Martin at naibalik niya ang kanyang buhay. Sa palagay ko, siya ang biggest winner!