GUSTO ng Palasyo na amyendahan ng Kongreso ang Human Security Act (HSA) of 2007 para mapalakas pa ang kampanya laban sa terorismo. Ibig ng Palasyo na tiyaking makukulong ang mga nasasakoteng terorista at kasabay nito’y hindi aabusuhin ng mga awtoridad ang batas.
Kamakailan lang ay ginulantang ng dalawang pagsabog ang Zamboanga City na sinisiyasat pa ng mga awtoridad kung ito’y kagagawan ng Jemaah Islamiya.
Kung hihigpitan pa ang batas kontra terorismo, mainam iyan. Pero mukhang ang kinikilalang terorista ng gobyerno ay yaon lang mga tinatawag na Islamic extremists gaya ng Abu Sayyaf at JI na namomomba nang walang dahilan. Ang New People’s Army (NPA) ay dating kasama sa talaan ng mga terorista pero inalis sa talaan alang-alang daw sa peace process ng gobyerno sa grupong Komunista. Pero kung tutuusin, hindi ba malaking akto ng terorismo ang pag-atake ng grupo sa isang minahan kamakailan na nagdulot ng multi-milyong dolyar na pinsala bukod pa sa mga buhay na nasawi?
Si Executive Secretary Paquito Ochoa na rin ang umamin na masamang setback ito sa hangad ng pamahalaan na pumasok sa bansa ang mga dayuhang mamumuhunan. Tinawag pa niyang “braggadocio” ng NPA ang ginawang kabulastugan.
Totoong ang terorismo ay pamalagiang banta na sa seguridad ng mga bansa sa daigdig. Pero huwag lamang ang mga tinatawag na panatikong terorista ang maging target ng kampanya kundi lahat ng mga naghahasik ng lagim sa lipunan, NPA man o ordinaryong kriminal. Mismong si P-Noy ang humihiling sa mga pinuno ng Kongreso na maipasa ang kanyang panukala.
Sinabi ni Ochoa na chair ng Anti-Terorism Council na isang malaking pagbabago na nais ng Palasyo na bigyan ng konsiderasyon ng mga mambabatas ay ang pagbibigay-kahulugan sa terorismo bilang mga gawain na may katumbas na kaparusahan sa ilang probisyon ng Revised Penal Code na publiko o puwersahin ang gobyerno o isang institusyon na ibigay ang mga kahilingan.
Sa ilalim ng batas, ang terorismo ay may katumbas na kaparusahan na 40 taong pagkabilanggo nang walang parole.