Tayo na sa kasalan

GINUGUNITA ngayon ng mga Kristiyano-Katoliko ang “Indigenous People Sunday”. Isang paalaala sa pinanggalingan lahi nating mga Pilipino. Ngayon din ay “Extreme Poverty Day’’ paala-ala sa ating lubusang pagtulong sa mga mahihirap dito sa ating bansa. Tulungan natin sila na magkaroon ng ikabubuhay at bigyan ng pagkain ang mga nagugutom, nauuhaw at mga may karamdaman.

Ang bundok ng Sion ay simbolo ng ating simbahan sa ngayon. Inaanyayahan tayo ng Panginoon sa isang piging ng masasarap na pagkain, inumin at papawiin ang kamatayan. “Lagi akong mananahan sa bahay ng Poong Mahal”. Ang ating lingguhang pangingilin sa ating simbahan ay isang pagdalo sa kasalan ng ating Panginoong Hesus. Naghanda ang mahal na Ama at inanyayahang dumalo sa masaganang piging: “napatay na ang aking mga baka at mga pinatabang guya at handa na ang lahat ng bagay. Halina kayo sa piging!”

Ang kasalan ay isang dakilang tradisyon nating mga Pilipino. Ito ay lubusang paghahanda ng dalawang pa-milya. Isang kaligayahan at dangal ang maimbita sa isang kasalan. Kaya naman lubusan din ang pagha-handa ng bawat isa lalung-lalo na sa damit na kanilang isusuot bilang tanging bisita sa piging. Napakasakit sa naghanda ang tanggihan ang kanyang paanyaya. Ang lingguhang pagdiriwang ay labis na ikinalulungkot ng ating Panginoon sa tuwinang pagwawalang-bahala natin sa pagdalo sa Kanyang piging. Ang araw ng linggo na itinalaga ni Hesus at araw din ng pagbaba ng Espiritu Santo ay araw ng ating pagpupuri at pasasalamat sa ating Diyos Ama na lumikha sa atin.

Ang pagdalo sa kasalan ay nagsisimula sa ating paghahanda at pag-aayos ng damit na isusuot upang maging kalugud-lugod sa ikinasal. Sa kasalan ni Hesus ay dapat tayong maglinis ng ating puso upang maging karapat-dapat tayong dumu­log sa hapag kainan. Sino kaya sa ating mga Kristia­no ang lubusang nakikisa­ma sa lingguhang pagdiriwang sa kasalan ni Hesus? Sino naman kaya sa atin ang ma­ raming dahilan na pi­nag­­wawalang-bahala ang pagdalo sa piging ng Panginoon? Baka naman mi­yembro ka lamang ng mga Kristiyanong PPP. Nakikipagdiwang sa simbahan tuwing Pasko, Pista at Patay.

Isaias 25:6-10a; Salmo 22; Filipos 4:12-14, 19-20 at Mt 22:1-14

Show comments