NOONG nakaraang Lunes ay nagsagawa ng relief mission sa mga nasalanta ng bagyong “Pedring” at “Quiel” sa ilang bayan sa Bulacan ang aking anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada kasama ang kanyang maybahay na si Precy at ilang staff. Partikular nilang dinayo ang Calumpit at Obando kung saan ay mahigit dalawang libong residente ang nabigyan nila ng bigas, de latang ulam, biscuit, at iba pa.
Isa ang Bulacan sa pinakamatinding naapektuhan ng mga bagyo na nagdulot ng grabeng pagbaha. Kahit nga lumipas na ang mga araw matapos ang mga bagyo ay marami pa ring lugar doon ang lubog sa baha nang dumalaw sila, kaya kinailangan nilang sumakay sa military truck upang marating ang mga lugar ng relief mission.
Nakipag-usap si Jinggoy kay Bulacan governor Wilhelmino Alvarado, at detalyadong ibinahagi naman ng gobernador ang inabot na pinsala ng kanilang probinsiya, gayundin ang mga hakbanging pinaplano nito para sa kanilang rehabilitasyon. Tumulong din sa nasabing relief mission si Calumpit Mayor James de Jesus at mga opisyal ng Bgy. Panghulo, Paliwas at iba pang lugar.
Personal ding nakausap ni Jinggoy ang ilang apektadong residente at ikinuwento ng mga ito ang nararanasan nilang hirap noon, kung saan ay marami umanong pamilya ang hindi pa rin makalabas ng kanilang bahay dahil sa nananatiling malalim na baha, maraming bata at matatanda ang nagkakasakit na, at marami rin ang walang makain at mainom at sinasahod na lang ang tubig-ulan upang mayroon silang maging pamatid-uhaw.
Ayon kay Jinggoy, “The province will need a lot of time and resources for its complete rehabilitation.” Nanawagan siya sa mga tao at iba’t ibang grupo at sektor na magsanib-puwersa upang matulungang makabangon ang Bulacan mula sa sinapit nitong matinding pagkasalanta.
Birthday greetings kay Senator Chiz Escudero (October 10).