HINDI pag-asenso ng bansa ang hangad ng komunistang New Peoples Army kundi hadlangan ang pagsulong ng bansa upang sila ang makapaghari.
Karumal-dumal ang ginawa nilang pagsalakay sa isang malaking minahan na ang katuwiran ay nakakasira ng ating environment ang operasyon nito. Dahil dito’y bilyong dolyar na investment sa bansa ang napurnada at marami ang nawalan ng hanapbuhay.
Paano pa natin mahihimok ang mga dayuhang negosyante kung nagiging kasindak-sindak ang pamumuhunan sa bansa?
Dahil dito’y hihigpitan ang seguridad sa mga mina-han sa bansa laban sa ganyang pananalakay gaya ng ginawa ng New People’s Army (NPA) sa Surigao del Norte noong nakaraang Lunes. Ito ang tahasang iniha-yag ni Executive Secretary Paquito Ochoa, Jr.
Nakalulungkot lalu pa’t may idinaraos na peace negotiations ang gobyerno sa Communist Party of the Philippines (CPP). Alam ng lahat na ang NPA ang siyang hukbo ng CPP.
Isang matatawag na “braggadocio” ang ginawang iyan ng NPA na nanunog ng mga mamahaling kasangkapat bukod pa sa mga buhay na napatay sa kanilang pag-atake.
Ani Ochoa na nauunawaan ng gobyerno ang pagkabahala ng mga mamumuhunan sa minahan, lalo na ng Japanese at Australian mining investors, sa operasyon nila sa bansa kung kaya agad na isinagawa ng mga kina-uukulang ahensiya ang pagtatasa sa banta at kagyat ding isasagawa ang mga kinakailangang hakbang na irere- komenda ng Department of National Defense, Armed Forces of the Philippines, at Philippine National Police.
Huwag nawang maulit ang ganito at baka tuluyan nang lumayas sa bansa ang mga dayuhang negosyanteng pinakikinabangan ng ating ekonomiya at nagbibigay ng empleyo sa maraming Pilipino.
Hindi ko maintindihan kung bakit dapat pang mag-pursue ng peace talks sa mga komunistang ayaw naman talagang makipagkasundo sa pamahalaan. Sa pagkakaalam ko, prinsipyo ng komunismo na wasakin ang umiiral na sistema upang ito ang ganap na maghari. Walang compromise.
Ang peace talks ay ilang siglo nang ginagawa at pinagkakagastusan ng malaki ng gobyerno. Taxpayers’ money ang ginagastos. Sana, buksan na lamang ang pinto ng pakikipagkasundo sa mga nais magbalik-loob at doon sa patuloy na nanggugulo ay ilapat ang batas.